April 1, 2025

Siga na Quarry Manager timbog sa search operation ng CIDG sa Batangas

Kulong na ngayon ang isang suspek na namamahala sa operasyon ng isang kumpanya na nag-o-operate ng Quarry sa Taysan, Batangas makaraang hainan ng search warrant at nasamsaman din ng mga iba’t ibang klase ng mga bril at bala ng mga pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detections Group (CIDG) Batangas Field Unit, CIDG Regional Field Unit 4A- Regional Special Operations Team at ang Taysan Municipal Police Station, nuon araw ng Biyernes (March 28, 2025) sa Brgy. San Marcelino, ng nasabing bayan.

Kinilala ang suspek na si alyas “Chester”, nagtatrabaho bilang Manager ng Golden Mountain Agregates Corporation (GMA Corp.) at residente sa kaparehong lugar.

Base sa nakarating na report sa opisina ni CIDG Chief Police Major General Nicolas Torre III, pinuntahan ng mga otoridad ang nabanggit na kumpanya para isilbi ang Search Warrant na inisyu ng korte laban sa suspek para sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Republic Act 10591 at nahalughog sa opisina ng suspek ang mga hindi lisensyadong mga baril at walang kaukulang dokumento tulad ng isang (1) piraso ng caliber 5.56 riffle, isang (1) piraso ng  caliber 45 pistol, isang (1) caliber 40 pistol, mga magazine at mga bala para sa mga nabanggit na kalibre ng mga baril.

Dati na rin umanong inaresto ang suspek na si alyas “Chester”, nuon November 2024 dahil sa tangkang pagpatay sa isang heavy equipment operator ng kanilang kumpanya makaraang pagbabarilin ng suspek na halos kumitil sa buhay ng biktima at madalas din umanong magpaputok ng kanyang baril ang suspek na dahilan para maghasik ng takot sa mga residente sa kanilang barangay.

Maliban sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Laws on Firearms and Ammunitions Act ay mahaharap din ang nakakulong ng suspek sa kasong paglabag sa BP 881 o Omnibus Election Code in Relation to Comelec Resolution No’10728 o Comelec Gun Ban ngayon panahon ng Midterm National and Local  Elections 2025. (Erichh Abrenica)