February 11, 2025

‘Siga’ isinelda sa baril at panggugulo sa Caloocan

BAGSAK sa selda ang 42-anyos na tambay matapos magsiga-sigaan sa kanilang lugar habang armado ng baril Sabado ng hapon sa Caloocan City.


Inabutan pa ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals si alyas “Robert” residente ng Barangay 175, Camarin habang gumagawa ng sarili niyang eksena ng panggugulo sa kahabaan ng Robes-1 sa naturang barangay habang may bitbit na baril na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nakumpiska sa suspek ng mga operatiba ng Police Sub-Station 11, na nagkataong nagsasagawa ng anti-criminality campaign sa Camarin, ang isang hindi lisensiyadong kalibre .38 “Smith & Wesson” revolver na kargado pa ng tatlong bala sa chamber.


Ayon kay Col. Canals, mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na may kaugnayan sa Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code of the Philippines) at alarm and scandal ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (JUVY LUCERO)