November 23, 2024

SI KRIS NA BA ANG MAGPAPATULOY NG “AQUINO MAGIC”?

Mga Cabalen sa pagpanaw ni PNoy, napulsuhan nga bang muli ang damdamin ng mga Pilipino?

Marami sa ating mga kababayan ang nabigla at nasaktan sa biglaang pagkawala ni Pangulong Noynoy. Marami sa atin ang hindi matanggap na tuluyan nang nawala siya sa ating paningin.

Sa pagpanaw na ito ni PNoy, muling napukaw ang nananahimik. Subalit, hindi natutulog ang damdamin ng ating mga kababayan. Muling napulsuhan ang tunay na damdamin ng ating mamamayan mula sa pagkatulala, dahil sa dinadanas na kahirapan.

Sa kabila ng kalungkutan dahil hindi man lamang nasulyapan ang katauhan ni Pangulong Noynoy, lumabas at bumuhos ang pagmamahal. Na hindi naipapakita dahil sa nakagawiang paglilihim upang hindi madamay sa pulitika.

Marami ang nag- iisip na sa pagkawala ni PNoy, malamang na isang Aquino ang muling sisibol na luluklok sa pinakamataas na upuan ng bansa.

Marami ang nakinig sa mga pahayag ng mga Aquino sisters. Pahayag ng pighati na walang halong pulitika. Pasasalamat sa lahat ng nagmahal kay PNoy noon at hanggang ngayon.

Ang pahayag ng pagkalungkot at pakikiramay mula sa mga ka-partido ni Pangulong Noynoy, maging ang mga pinakamalalapit na tao sa panahon ng kanyang panunungkulan hanggang sa siya ay bawian ng buhay.

Subalit higit kanino man, binantayan ang pahayag na nagmula kay Kris Aquino ang bunsong kapatid ni Pnoy.

Kilala si Kris sa kanyang pagiging totoo at hindi nangingimi sa ano mang salita o pahayag na kanyang bibitawan. Kung matatandaan si Kris , ang nagbigay ng hudyat nang magpahayag ito sa libing ng kanilang ina na Pangulong Cory Aquino.

Sinabi ni Kris na siya lamang at si PNoy ang nasa posisyon upang ipagpatuloy kung ano man ang nasimulan ng kanilang mga magulang. Dahil sa hudyat na ito, ipinakita ng sambayanan ang pagsuporta kay PNoy at muling ipinamalas na may totoong “Aquino Magic”.

Ngayong si Kris na lamang ang magpapatuloy sa nasimula ng kanyang mga magulang at PNoy, marami ang naghihintay sa susunod na pahayag ni Kris Aquino. Kung ano pa man ang pahayag na ito, muling napulsuhan ang bayan.