INIHAYAG ng Land Transportation Office (LTO) na naglabas na sila ng show cause order (SCO) laban sa registered owner ng van na sangkot sa viral video na nag-counter flow sa Quezon City at nang-asar pa ng iba pang motorista habang nilalabag ang mga patakaran at regulasyon sa kalsada.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza, layon ng inilabas ng SCO na matukoy ang driver ng van. Naipadala na rin ang summon sa registered owner ng Toyota Hiace Commuter with Plate No. UVE 914 sa kanyang bahay sa Novaliches, Quezon City.
“Matinding pambabastos ng ginawa ng driver hindi lang sa batas kundi pati na rin sa kapwa niya motorista. HIndi natin hahayaan na hindi mapanagot ang pagiging abusadong driver nito,” naiinis na sambit ni Asec. Mendoza matapos mapanood ang video na pinadala sa LTO social media monitoring team.
Batay sa paunang resulta ng imbestigasyon, naganap ang insidente noong Disyembre 30 sa kahabaan ng Quirino Highway sa Barangay Baese sa Quezon City.
Sa viral video, makikita ang sasakyan na humaharang sa daraanan ng iba pang mga motorista, habang nagpapakita ng reckless behavior, kabilang ang pang-aasar sa mga kasabay na mga motorista.
Hinimok din ni Asec Mendoza ang registered owner na magpakita sa LTO Central Office sa Enero 9 at magsumite ng written at notarized explanation kung bakit hindi dapat siyang patawan ng parusa.
Kabilang sa mga paglabag ang Employing Reckless Driver (Para. 7., Title IV, of DOTC JAO 2014-01).
Samantala, inatasan naman ang itinalagang driver na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng Obstruction of Traffic (Sec. 54 ng RA 4136) at Reckless Driving (Sec. 48 ng R.A. 4136), at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle kaugnay ng insidenteng nabanggit, alinsunod sa Sec. 27(a) ng R.A. 4136.
“Failure to appear and submit the written comments/ explanations as required shall be construed by this Office as a waiver of your both rights to be heard, and the case shall be decided based on the evidence at hand,” mababasa sa SCO na may lagda ni LTO Intelligence and Investigation Division head Renante Melitante.
More Stories
PRESYO NG KAMATIS UMABOT NA SA P20 KADA PIRASO
House Bill 11252 inihain ni Salceda… PRANGKISA NG ABS-CBN BUBUHAYIN
ISLAY ERIKA AT RAN LONGSHU BAKBAKAN SA ONE CHAMPIONSHIP