February 27, 2025

Senator Go at Speaker Romualdez nagbigay ng tulong sa mga nasunugan sa Navotas

TAOS pusong nagpapasalamat sina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco kina Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, House Speaker Martin Romualdez, Tingog Partylist sa pangunguna nina Cong. Yedda Marie K. Romualdez, Cong. Jude A. Acidre at kay Karla Estrada, Director for Community Engagement ng Social Services and Promotions ng Tingog Partylist sa ibinigay nilang tulong para sa mga biktima ng sunog sa Brgy. BBN at Brgy. Navotas West na pansamantalang nakatira sa sa CIF 4 sa Navotas Centennial Park. (JUVY LUCERO)

NAGPAABOT ng kanilang taos pusong pasasalamat sina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco kina Senator Christopher Lawrence “Bong” Go at House Speaker Martin Romualdez sa ibinigay nilang tulong para sa mga biktima ng sunog sa Navotas City.

Personal na binisita ni Sen. Go ang mga nasunugan sa Barangay BBN at Brgy. Navotas West na pansamantalang nakatira sa sa CIF 4 sa Navotas Centennial Park.

Namahagi si Sen. Go ng Jollibee meals, grocery packs, vitamin C, t-shirts, bikes, relo, sapatos, bola ng basketball at volleyball kung saan makatatanggap rin ang mga apektadong pamilya ng tulong pinansyal na P5,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Nakiramay din ang Senador sa pamilya ng mga nasawi sa sunog at namahagi rin siya ng mga wheelchairs, crutches at tungkod sa mga PWD at special gift para sa mga buntis.

“Taos-puso po tayong nagpapasalamat kay Sen. Bong Go sa kanyang personal na pagbisita at pagbigay-ayuda sa mga kababayan nating nasunugan,” pahayag ni Mayor Tiangco.

“Malaking bagay po ang tulong na inyong inihandog para maibsan ang hirap na nararamdaman ng mga apektadong pamilya at para makapagsimula silang muli. Salamat po sa inyong pagmamahal at pagmamalasakit sa mga Navoteño,” dagdag niya.

Samantala, pinasalamatan naman ni Congressman Tiangco si Speaker Romualdez at ang lahat ng kanyang mga kasamahan sa Kongreso na nag-ambag ng P5,000,000 na tulong para sa mga pamilyang nasunugan.

“Malaking tulong po ito para mapabilis ang pag-ahon nila mula sa trahedya at pagbalik nila sa normal na pamumuhay” ani Cong. Toby.

Pinasalamatan din ni Cong. Tiangco ang Tingog Partylist sa pangunguna nina Cong. Yedda Marie K. Romualdez, Cong. Jude A. Acidre at si Karla Estrada, Director for Community Engagement ng Social Services and Promotions ng Tingog Partylist sa kanyang personal na pagbisita at pamamahagi ng ayuda sa mga kababayan nila na biktima ng sunog.