MAGSASAGAWA ng executive session ang Senate Committee on Women and Children upang pakinggan ang marami pang impormasyon sa pagkakilanlan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo mula sa mga intelligence official.
Ayon kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, isagagawa ang executive hearing kahit nakabakasyon ang Senado.
“Habang tumatakbo itong adjournment namin, magsasagawa na kami ng executive session at palagay ko, na executive session na iyan, mas marami pong lalabas talaga at ma-establish tungkol sa kanyang connection sa POGO, sa criminal connections, at pati sa kanyang hindi maipaliwanag na kayamanan,” saad ni Hontiveros.
“Yun ang maghuhubog sa aming susunod na hearing, at palagay ko, mas magiging solido na yung aming mga findings at magiging recommendations tungkol sa kanya sa aming committee report,” dagdag pa niya.
Hindi naman tiyak ng komite kung iimbitahan si Mayor Guo sa executive session.
“Depende sa aming mafa-finalize ng mga tanong na ihaharap sa executive agencies. Pero kung sa akin lang, mas posibleng imbitado siya. Pero piling-pili ang mga resource persons,” ani Hontiveros.
Muling iginiit ng senador na nanatiling madulas si Guo sa pagsagot sa mga katanungan tungkol sa kanyang mga nakaraan at maging estado ng kanyang relasyon sa miyembro ng kanyang pamilya.
Sabi pa ni Hontiveros, tatanungin din nila si Guo na magpaliwanag tungkol sa kanyang pangatlong kapatid na nagngangalang Wesley. Sabi ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang magulang ni Wesley ang siya ring magulang ni Alice at dalawang kapatid na sina Sheila at Siemen.
“Hindi talaga nasasagot, paikot-ikot, paulit-ulit, pero halatang-halata namang hindi nagsasabi ng totoo,” ani Hontiveros.
“Dahil meron po tayong mga executive departments at agencies kasama ng mga intel agencies na mas gusto pang magbahagi sa aming komite pero hindi pa nila magawa in open hearing. So gagawa po kami ng isang executive session,” dagdag pa niya.
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO