
Isang matatag at nagkakaisang panawagan ang inihain ng Senate minority bloc ngayong Lunes sa plenaryo ng Senado: agad nang mag-convene bilang impeachment court at simulan ang matagal nang naantalang paglilitis kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Mariin nilang kinondena ang halos apat na buwang pagkaantala na anila’y isang pagtalikod sa itinatakda ng Saligang Batas.
Sa kaniyang question of privilege, binalaan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Senado na ang patuloy na kawalang-kilos mula nang matanggap ang Articles of Impeachment noong Pebrero 5 ay nagdudulot ng pagkawalang-tiwala ng publiko at pagdududa na sinasadyang ipinagpapaliban—o isinasantabi na—ang paglilitis.
“Mga kilalang institusyong akademiko at legal ang nagsalita na nang iisa: dapat nang tuparin ng Senado ang konstitusyonal nitong tungkulin na ‘forthwith proceed’ sa impeachment trial,” ani Pimentel, na binanggit ang mga pahayag mula sa UP College of Law, San Beda Graduate School of Law, at Ateneo School of Government.
Ipinaalala ni Pimentel sa kaniyang mga kasamahan ang malinaw na mandato ng 1987 Konstitusyon sa Artikulo XI, Seksyon 3(4): kapag naipasa na ng Mababang Kapulungan ang mga artikulo ng impeachment sa pamamagitan ng one-third vote, “ang paglilitis ng Senado ay agad-agad na sisimulan.”
“‘Forthwith’ means without delay—agad-agad. Wala nang ‘kung,’ wala nang ‘maliban kung,’ wala ring ‘kapag may oras,’” diin niya.
Kaagad namang sumuporta si Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa mosyon sa pamamagitan ng isang parallel manifestation, kung saan hiniling niya ang mga konkretong hakbang: panunumpa ng Senate President bilang presiding officer ng impeachment court, panunumpa ng lahat ng senador bilang mga hukom, at pormal na pag-convene ng impeachment court.
“Malinaw ang Konstitusyon. Kailangan nang simulan ang paglilitis. Walang pag-iimbot. Agad-agad,” ani Hontiveros.
Tinukoy rin niya ang pahayag ni retired Supreme Court Justice Adolfo Azcuna, isa sa mga framers ng Konstitusyon, na ang salitang “forthwith” ay nangangahulugang “immediately and without unreasonable delay.”
Babala pa ni Hontiveros, ang pagsiksik ng buong impeachment trial sa loob lamang ng tatlong session days—matapos ang apat na buwang pananahimik—ay isang pambabastos sa proseso at sa bigat ng mga kasong kinahaharap.
Ang reklamong impeachment laban kay VP Duterte ay tumutukoy sa mga sumusunod na akusasyon:
- Betrayal of public trust
- Culpable violation of the Constitution
- Conspiracy to commit murder
- Misuse of confidential funds
- Unexplained wealth
“Araw-araw tayong may pagpipilian. At ang pinili natin ay ang pagkaantala,” pag-amin ni Pimentel. Aniya, walang sapat na batayan ang patuloy na hindi pag-aksyon ng Senado.
Iginiit din ni Pimentel na kayang suspendihin ng Senado ang mga gawaing lehislatibo upang tuparin ang tungkuling hindi lehislatibo—ang pagdinig sa impeachment case. Tinukoy niya ang Pimentel v. Joint Committee of Congress, kung saan kinilala ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng impeachment trials kahit walang kinalaman sa regular na kalendaryo nito.
Bilang tugon, inilatag ng minorya ang mga kongkretong hakbang na dapat isagawa:
- Panunumpa ni Senate President Francis Escudero bilang presiding officer ng impeachment court
- Panunumpa ng lahat ng senador bilang impeachment judges
- Pagtatakda ng kalendaryo ng paglilitis
- Paglalabas ng writ of summons kay Vice President Sara Duterte
Nagbabala si Pimentel na ang patuloy na kawalang-aksyon ay lalo pang magpapalalim sa pagkadismaya ng publiko sa institusyon.
“Ang paglilitis ang pinaka-makatarungang hakbang. Hayaan nating marinig ang ebidensiya. Hayaan nating ipagtanggol ng Pangalawang Pangulo ang sarili niya. Iyan ang hinihingi ng Saligang Batas,” pagtatapos ni Pimentel.
More Stories
ALAS PILIPINAS PINADAPA NG IRAN SA 5-SET THRILLER
AYALA LAND, TUMINDIG SA ITAAS! Tanging Real Estate Brand sa Top 25 ng Most Valuable Filipino Brands
SARA, ILITIS SA IMPEACHMENT! 8 SA 10 PINOY GUSTONG HARAPIN NI VP ANG MGA PARATANG