June 13, 2025

SENATE DELAY TACTIC, ‘ESCAPE HATCH’ NI VP SARA SA IMPEACHMENT – COLMENARES

MAYNILA — Matinding banat ang pinakawalan ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares laban sa Senado matapos nitong ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte—isang hakbang na tinawag niyang “walang basehan sa Saligang Batas” at posibleng maging daan para makaiwas sa pananagutan ang Bise Presidente.

“Hindi trabaho ng Senado ang ibalik ang Articles of Impeachment. Trabaho nila ang magsagawa ng paglilitis. Kung gusto nilang linawin ang anuman, dapat sa simula ng trial, hindi sa ganitong palusot,” ani Colmenares.

Tinawag niyang “absurd at insulto sa Konstitusyon” ang hakbang ng Senado, na aniya’y magdudulot lamang ng delay at procedural deadlock na pabor lamang kay Duterte.

“Kapag binalik ito sa Kamara, teknikal na walang Articles of Impeachment na ihaharap kay VP Sara. At dahil dito, maaari siyang magsabing walang bisa ang summons dahil ibinalik na nga ito sa House. Paano mo tatawagin ang isang akusado kung wala nang complaint na isusulong?” tanong ng dating kongresista.

Giit pa ni Colmenares, isang malinaw na estratehiya ito para “buy time” at takasan ang public scrutiny. Ayon pa sa kanya, hindi rin agad masasagot ang ikalawang tanong sa Senate motion na nangangailangan ng sagot mula sa 20th Congress — isang katawan na hindi pa umiiral hanggang Hunyo 30.

“Kahit gusto ng 20th Congress na ituloy ang impeachment, wala pa naman ito sa ngayon. Kaya malinaw na may palusot si VP Sara: ‘Hintayin muna natin ang sagot ng bagong Kongreso,’ at habang naghihintay, tahimik at ligtas muna siya sa pananagutan,” babala ni Colmenares.

Pinuri rin ni Colmenares si Sen. Koko Pimentel sa mungkahing impeachment court na mismo ang magpatawag sa House prosecutors sa halip na ibalik ang complaint—isang panukalang aniya’y praktikal at naaayon sa proseso.

“Ang ginawa ng Senado ay hindi para sa hustisya. Isa itong hakbang na maglulubog sa proseso at lalong magpapaantala sa katotohanan,” giit pa ng beteranong aktibista.

Sa huli, muling nanawagan si Colmenares sa Senado: “Tungkulin niyo ang maglitis, hindi ang magligtas. Gawin n’yo ang trabaho niyo.”

Patuloy na umuugong ang tensyon sa pagitan ng dalawang kapulungan habang nakabimbin ang kinabukasan ng isa sa pinakamainit na impeachment cases sa kasaysayan ng bansa.