June 26, 2025

SENADOR JV INIREKOMENDA ANG TRIAL PERIOD BAGO GANAP NA IPATUPAD ANG NCAP

MULING nanawagan si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito sa mga awtoridad na isaalang-alang ang pagsasagawa ng trial period para sa No Contact Apprehension Program (NCAP) upang matugunan ang mga posibleng problema at glitches sa sistema bago tuluyang ipatupad.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Ejercito na lumabas sa unang araw ng pagpapatupad ng NCAP na ang mga pinaka-karaniwang paglabag sa trapiko ay ang pagsuway sa mga traffic signs at ilegal na paggamit ng busway.

“Pwedeng ibig sabihin nito’y kailangan pang paigtingin ang disiplina sa kalsada,” ani Ejercito.

Sinabi rin ng senador na suportado niya ang NCAP kung makatutulong ito sa pagsasaayos ng sistema ng trapiko sa Metro Manila at iba pang urban centers, gaya ng suporta niya sa iba pang hakbang na naglalayong mapabuti ang daloy ng trapiko.

Aniya, dapat samantalahin ng Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang panahong ito upang tiyaking maayos ang implementasyon ng NCAP nang hindi naaagrabyado ang karapatan ng mga motorista at pasahero.

“Maging gabay sana ito hindi lang para sa mga motorista para sumunod sa batas-trapiko, kundi wake-up call din para sa mga ahensya na gampanan nang maayos ang kanilang mandato,” dagdag niya.

Binanggit din ng senador na mahalagang tiyakin ang pagkakaroon ng tamang imprastraktura, malinaw na mga traffic signs, at road markings. Dapat ding palakasin ang edukasyon para sa mga motorista at siguraduhing nakaayon sa mga lokal na ordinansa ang mga penalties at fines.

Kasabay nito, iminungkahi ni Ejercito na subukan muna ang implementasyon ng motorcycle o shared lanes sa piling lugar. Gayunpaman, nanawagan siya na muling pag-aralan at i-reconsider ang pagbabawal sa mga motorsiklo sa mga overpass at underpass.

Sa huli, mariing inirekomenda ng senador na magkaroon ng makatwirang trial period bago tuluyang ipatupad ang NCAP upang masigurong epektibo at patas ang programa.