November 17, 2024

SEN. LITO LAPID, NANAWAGAN NA SUPORTAHAN NG MGA PINOY ANG TURISMO SA BANSA

TODO-SUPORTA si Senator Lito Lapid sa pamunuan  ni DOT Secretary Cristina Garcia-Frasco sa gitna ng kontrobersyal na tourism promotion ad na binatikos ng iba’t-ibang sektor.

Sinabi ni Sen. Lapid na dapat bigyan pa ng pagkakataon si Sec. Frasco at DoT na magpatuloy sa kanilang trabaho na palakasin ang paghikayat sa mga dayuhan at lokal na turista.

“Buo po ang tiwala at kumpiyansa ko kay Sec. Frasco at sa DOT at inaanyayahan ko po ang ating mga kababayan na magpakita rin ng suporta sa kanila. Kung magtagumpay po ang DOT sa kanilang trabaho, buong bansa po natin ang panalo,” ayon kay Lapid.

Ayon pa kay Lapid, ang di pagkakaunawaan sa totoong kaukulan ng tinawag na “mood video” para sa “LOVE THE PHILIPPINES” campaign na ginawa ng DDB Group Philippines ay hindi dapat makasira sa ilang buwang magandang trabahong ginawa ng DOT sa pangunguna ni Sec. Frasco at ng kanilang mga naging ka-partner dito.

Sabi pa ni Lapid na ang naturang video ay ginawa upang ipakita ang ideya at intensyon ng kampanya  at yun nga ang kaniyang ginawa.

“Wala po akong nakitang malisya o layuning manloko ng mga tao lalo na kung titingnan natin ito na para lamang sa mga opisyal ng DOT at iba pang “internal stakeholder” at hindi pa pampubliko. Hindi pa po nagagawa ang aktuwal na patalastas na gagamitin sa kampanya,” dagdag pa ng Supremo ng Senado

Pinapurihan pa ni Lapid si Sec. Frasco sa agarang aksyon sa nangyari at pagkansela ng kontrata sa ad agency. Kaakibat nito ang ginawa ng DDB Group na akuin agad ang responsibilidad sa pagsasapubliko ng video na para lamang sa mga “internal stakeholder.”

Inihayag pa ng Senador  na mahaba pa ang magiging proseso ng kampanyang ito ng DOT at ang paglulunsad ay maliit na hakbang pa lamang mula sa simula.

“Maganda ang  intensyon ni Secretary Frasco at mga dating kalihim ng Department of Tourism na palakasin at i-promote  ang mga tourist destination sa  bansa. Tulad nina dating Tourism Sec. Dick Gordon sa  “Wow Philippines”, Sec. Ramon Jimenez at Sec. Bernadette Romulo-Puyat sa “It’s More Fun in the Philippines” at ngayon Sec. Frasco sa “Love the Philippines,” ani pa ni Lapid.

Para kay Lapid, dapat pagsama-samahin na ang mga slogan para mas lumakas ang turismo dito sa Pilipinas na tinawag nyang

 “Wow, It’s more fun! Love, the Philippines!”