March 3, 2025

SEN. LAPID, SUPORTADO ANG PAGSUSPINDE NG ‘NO RFID, NO ENTRY POLICY’

SUPORTADO ni Senador Lito Lapid ang pagsuspinde ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon sa “No RFID, No Entry policy” ng dalawang toll concessionaires sa mga expressway sa Luzon.

Ayon kay Senador Lapid mas makakabuti pa na pag-aralan ng Toll Regulatory Board, ng DOTr  at ng toll companies kung papano magkakaron ng iisang RFID ang lahat ng toll ways, para sa mas mabilis at maginhawang byahe ng mga motorista.

Si Lapid ay tubong Pampanga na malimit dumaan sa North Luzon Expressway (NLEX).

Madalas din na nakakaranas ng pagsisikip ng trapiko sa tollways si Lapid dahil sa hindi agaran na pagbasa ng mga scanner sa RFID ng mga sasakyan, kahit may load ito.

“Sa ating obserbasyon, hindi nagtutugma ang nakakabit na RFID kaya madalas din hindi nababasa ng mga sensor sa toll gates. Marami rin ang insufficient o nauubusan ng load dahil hindi alam kung may balanse pa kapag nag e-exit sa tollways,” pahayag ni Lapid.

Panawagan ng Senador na gawin nang mas moderno at maging isa na ang RFID ng lahat ng toll way companies.

“Kaya, napapanahon na maging mas moderno at iisa na lang ang RFID na gagamitin ng mga motorista upang mas episyente at maiwasan na ang aberya sa mga toll gate,” dagdag ni Lapid.

Sinabi pa ni Lapid na “anti-poor” at hindi makatarungan ang pagpapatupad ng dalawang toll road operators ng  ‘cashless-only’ toll collection policy at pagpataw ng penalties sa mga motorista na mahuhuling walang RFID o kulang ang pambayad sa tollways.

Ayon kay Lapid bilang Chair ng Committee on Tourism sa Senado maari rin makaapekto ito sa turismo sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Kaugnay nito, pinapurihan ng Senador si Sec. Dizon sa kanyang desisyon na ipatigil ang pagpapatupad ng mga patakaran na kontra mahirap at walang sapat na konsultasyon sa mga apektadong sektor o stakeholders.