PINANGUNAHAN ni Senator Lito Lapid ang groundbreaking ceremony sa 6-storey simulation building ng College of Science sa Tarlac State University, nitong Lunes, April 22, 2024.
Sa kanyang inisyatiba, naglaan si Sen. Lapid ng P180 million para sa ipatatayong gusali at mga kagamitan sa loob ng TSU campus sa Tarlac City.
Nag-ambag naman ng P25 million si Senator Win Gatchalian sa nasabing proyekto.
Hinikayat ni Lapid ang mga kabataang mag-aaral sa Tarlac State University na huwag sayangin a mong panahon para matuto at mag-aral ng mabuti dahil libre naman ito.
“Alam nyo po, napakahalaga ng edukasyon sa akin, magkukwento lang po ako ng konti dahil ang pang-aapi nila kay Lito Lapid ay dahil sa edukasyon, dahil hindi po ako nakatapos. Kung meron lang pong libreng kolehiyo, gaya ng TSU, DAVSU sa Apalit at Pampanga State University sa Magalang, lalong-lalo na kung may TESDA noong araw, siguro nakapag-aral po ako. Wala tayong magagawa, ipinanganak tayong mahirap, isang labandera lang ang nanay ko at namatay ang tatay ko sa edad ko na 2 taon pa lamang, kaya hindi ako nakapag-aral ng kolehiyo. Kaya sabi ko nga sa mga estudyante pag may nakakausap ako pasalamatan ninyo ang inyong mga magulang dahil pinag-aaral kayo,” emosyonal na pahayag ni Lapid.
“Napakahalaga po ng pag-aaral. Ang apo ko po ay nag-aaral ng nursing. Palagi ko syang kausap at pinapayuhan na mag-aral ng mabuti. Napakahalaga po ng edukasyon kaya palakpakan po natin ang ating mga magulang dahil pinaaaral kayo,” dagdag pa ng Senador.
“Wag na kayong maiinggit sa akin kung ako’y naging sikat na artista, naging one-term na Vice-Governor, three-term na Governor at three-term Senator ngayon. Mas naiinggit ako sa inyo dahil nakapag-aaral kayo,” apela ni Lapid sa mga estudyante. Abot-abot naman ang pasalamat kay Lapid ng pamunuan at ng mga estudyante ng Tarlac State University sa malaking ambag at adnokasiya nito sa edukasyon.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA