December 26, 2024

Sen. Go, NHA namahagi ng P13.28M sa mga Navoteñong nasunugan

NAMAHAGI ng tulong pinansiyal na tig-P10,000 ang National Housing Authority (NHA) at si Senador Bong Go sa aabot 1,328 pamilyang Navoteñong nasunugan sa isinagawang aktibidad sa Navotas Sports Complex, kamakailan.

Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni NCR North Sector Regional Manager Engr. Jovita G. Panopio ang pamamahagi ng tulong pinansiyal na aabot sa P13.28 milyon sa mga benepisyaryo, katuwang sina Sen. Go, Navotas City Mayor John Rey Tiangco, Cong. Toby Tiangco, Vice Mayor Tito Sanchez, at NHA MaNaVa District Manager Engr. Nora E. Aniban.

Mula sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya, ang mga benepisyaryo na mga residente ng Barangays North Bay Boulevard North, Bagong Bayan North, Tangos North, Tangos South, Navotas West, San Roque, Sipac Almacen, Bangkulasi, at Daanghari ay nakatanggap ng tig-P10,000 ayuda bawat pamilya. Sila ay mga biktima ng iba’t-ibang sunog mula noong Oktubre 2019 hanggang Mayo 2023.

Nagpahayag naman ng pasasalamat sina Mayor Tiangco at Cong. Tiangco sa NHA at kay Sen. Go sa ibinigay nilang tulong sa kanilang mga kababayan na naging biktima ng sunog dahil malaki anila itong tulong para makabili sila ng mga materyales sa pagpapagawa ng kanilang bahay.

Nagpasalamat din ang mga benepisyaryo sa magkapatid na Tiangco sa pagbibigay nila ng credit para sa pagtanggap ng lahat ng uri ng tulong mula sa ibang mga ahensya.

Layunin ng NHA EHAP ang magpaabot ng pinansyal na tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad tulad ng sunog, pagbaha, lindol, bagyo at iba pa para muling makabangon mula sa trahedya at maibsan ang gastusin nila.