November 18, 2024

SEN. BONG GO: MALIBAN SA BASKETBALL, LAHAT NG SPORTS DAPAT SUPORTAHAN

SA pagkabigo ng Pilipinas sa kampanya nito sa FIBA World Cup, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa mga Filipino na manatiling positibo at patuloy na suportahan ang mga pambansang atleta na ngayo’y naghahanda para sa nalalapit na 2024 Paris Olympics at iba pang kompetisyon.

Isantabi na ang  pagkabigo sa FIBA World Cup, nananatiling optimistiko si Go sa hinaharap ng mga atleta ng bansa.

Hinihikayat niya ang mga Pilipino na panatilihin ang positibong pananaw sa likod ng ating mga atleta.

“Hindi lang naman po sa basketball ang talento ng Pilipino,” sabi ni Go na binanggit ang mga nakaraang tagumpay ng bansa sa iba pang larangan tulad ng boksing, weightlifting, gymnastics, golf, athletics, tennis atbp.

Ani Go, kinakailangan ng komprehensibong suporta mula sa gobyerno at pribadong sektor upang lumabas ang mga talento sa iba’t ibang palakasan.

Ang multi-sport focus na ito ay hindi lamang tungkol sa mga agarang tagumpay, bagkus ay bahagi ng pang-matagalang diskarte para sa hinaharap na Olympics glory.

“Looking forward tayo sa 2024 Olympics na manalo po tayo hindi lang po sa basketball, sa boxing, at iba pang athletics,” idiniin ni Go.

Si Pole vaulter EJ Obiena ang kauna-unahang Filipino na nagkuwalipika para sa 2024 Paris Olym-pics. Winalis niya ang Olympic standard na 5.82 meters sa Bauhaus Galan event sa Stockholm, Sweden.

 Tanging si weightlifter Hidilyn Diaz pa lamang ang nakasungkit ng makasaysayang gintong medalya para sa bansa sa Women’s 55kg weightlifting category noong 2021 Tokyo Olympics.