September 3, 2024

SEGURIDAD SA PAGDATING NG UTOL NI ALICE GUO, 1 PANG KASAMA NAGING MAHIGPIT

NAGING mahigpit ang seguridad nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kapatid ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo na si Shiela at kaibigan nitong si Cassandra Li Ong.

Ineskortan sila ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) pabalik sa Pilipinas lulan ng Philippine Airlines flight PR540 kung saan dumating ito ng alas-5:00 ng hapon.

Personal silang sinalubong nina National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago at Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, kasama ang mga representative ng Philippine National Police (PNP) nang dumating ang mga ito.


Nabatid na pinauwi ang dalawa matapos maaresto ng Indonesian Directorate General of Immigration (IDGI) sa Harris Hotel Batam Center dakong alas-6:45 ng umaga noong Agosto 21, 2024. Napaulat din na nakipagkoordinasyon ito sa Manila International Airport Authority (MIAA).

Si Cassandra ang sinasabing representative ng kompanya na nagpo-provide ng services sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon sa mga awtoridad ng BI, umalis ng bansa si Mayor Alice noong nakaraang buwan at nagtungo sa Malaysia at Singapore. Doon, ay nakipagkita ito sa kanyang pamilya at nagtungo papuntang Indonesia. Kasama ng puganteng mayor si Shiela at Cassandra.

Nitong nakaraan lamang ay kinansela ng gobyerno ang pasaporte ng alkalde, gayundin sa kanyang mga kapatid na sina Wesley at Shiela at kaibigan na si Cassandra. (ARSENIO TAN)