December 26, 2024

Security guard patay sa sunog sa Valenzuela

Nasawi ang isang security guard habang malubha naman ang lagay ng kasama nito matapos sumiklab ang sunog sa isang factory at warehouse sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Ang katawan ni Joselito Pelic ay nakuha mula sa natupok na factory ng Gilvan Packaging Corporation habang ang kanyang kasama na kinilalang si Nestor Purtisano, 47, ay nagtamo ng 2nd degree burn at isinugod sa East Avenue Medical Center kung saan ito ginagamot.

Ayon kay Valenzuela Fire Marshall Supt. Marvin Carbonell, ang sunog na hindi pa malaman ang pinagmulan ay sumiklab dakong alas-4:41 ng madaling araw sa warehouse ng Stronghand Inc, isang kumpanya na nakikibahagi sa manufacture at distribution ng mga bala at paputok na matatapuan sa 559, Paso de Blas West Service Road.

Sinabi pa ni Carbonell na sa kabutihang palad, ang kumpanya ay may kaunting stock ng mga kemikal at raw materials na inilaan para sa paggawa ng bala at mga paputok.

Gyunman, mabilis na kumalat ang apoy sa katabing factory ng Gilvan Packaging Corporation na may nakaimbak na mga plastic material, na nagresulta sa pagkamatay at pagkapinsala sa mga security guards nito. Iniakyat ang sunog sa ikatlong alarma bago tuluyang idineklarang fire out dakong alas-6:32 ng umaga at tinatayang nasa P3,000,000.00 halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.