PATAY ang isang security guard matapos barilin ng kapuwa guwardiya ng isang subdivision makaraan ang kanilang mainitan pagtatalo sa Caloocan City, Linggo ng gabi.
Kagaad nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa likod ang biktima na si Jodel Moreno, 48, residente ng Block 88, Lot 16, Northville 2B, Bagumbong.
Sa isiginawa namang follow-up operation ng mga tauhan ng Sub-Station 9 ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Maj. Jose Hizon ay naaresto ang suspek na si Romnick Perote, 34, tubong Balibago, Dau, Mabalacat, Pampanga.
Sa ulat ni P/Cpl. Bayani Auditor, Jr. kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, naka-duty sa gate ng Park View Homes Exclusive Village sa Brgy. 171, Bagumbong ang biktima at nagwawalis sa harapan nang dumating ang suspek na nasa impluwensiya ng alak.
Sinabihan umano ng biktima ang kasamahan na bawal siyang pumasok sa gate ng subdivision kapag naka-inom tulad ng mahigpit na bilin sa kanya ng kanilang commander na naging dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng komprontasyon, dito na hinataw ng kahoy na puluhan ng hawak na walis tingting ng biktima ang suspek hanggang awatin sila ng testigong si Limwel Riambon, 38, isang civilian volunteer.
Kinuha naman ng suspek ang kalibre .38 revolver na service firearm ng biktima sa locker at binaril ang kapwa sekyu subalit, hindi tumama ang unang putok kaya tinangkang hatawin muli ni Moreno si Perote ngunit pinaputukan siyang muli.
Napilitang tumakbo ang biktima subalit hinabol at sunod-sunod siyang pinaputukan ng suspek hanggang tamaan sa likod na nagresulta ng agaran niyang kamatayan.
Nabawi naman ng pulisya sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang baril na ginamit sa pamamaslang na may laman pang limang basyo at isang bala sa chamber.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA