KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang babaeng secretary matapos mabisto ng mga pulis ang ginawa niyang pagnanakaw ng mahigit P.6 milyong cash sa pinagtatrabahuhang kumpanya sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col Salvador Destura Jr, ang naarestong suspek na si Shiela Galido, 29, secretary, at stay-in sa isang kumpanya ng sabon sa Pabaya St., Brgy., Mapulang Lupa.
Ayon kay Col. Destura, nagsumbong si Galido sa mga kasamahan niya sa trabaho, kapwa mga stay-in din sa nasabing kumpanya, nang magising ang mga ito na may narinig aniya siyang kaluskos bandang 3:30 ng madaling araw.
Matapos makitang gulong-gulo ang tanggapan at matuklasang nawawala ang perang pinagbentahan ng kumpanya ay nagsumbong sa tanggapan ng barangay si Galido kasama ang isa pang sekretarya na si Lovely Dalut, 29.
Rumesponde naman sa lugar ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 8, Station Investigation Unit (SIU) at Detective Management Unit (DMU) sa pangunguna ni PLt Ronald Bautista para magsagawa ng imbestigasyon .
Ani Lt. Bautista, napansin nila na ang jalousie ng mga bintana ay tinungkab sa bandang itaas nito senyales aniya na nasa loob ng tanggapan ang tumungkab. “Kung nasa labas po kasi ang tumungkab, dapat po ay yung ilalim ng jalousie ang matutungkab,” paliwanag niya.
Nang tignan naman ng mga pulis ang CCTV ay wala silang nakitang tao na pumasok sa kumpanya galing sa labas kaya naghinala sila na ‘inside job’ ang nangyari at napansin din nila si Galido na hindi mapakali at iba ang ikinikilos nito.
Sinabi pa ni Lt. Bautista na pagdating nila sa police station ay inamin ni Galido na siya ang kumuha ng nawawalang pera na inilagay niya sa maliit na dilaw na sako at itinago stock room ng kumpanya. Nang makuha ng mga pulis ang pera sa kanyang pinagtaguan ay agad nilang inaresto si Galido na mahaharap kasong Qualified Theft.
More Stories
P761K droga, nasamsam sa Caloocan buy bust, 3 tiklo
Leader ng “Melor Robbery Gang” na wanted sa Valenzuela, timbog!
VP Sara tinatakasan P612.5-M confidential fund