December 25, 2024

SEC: IBA’T IBANG SCAM NAGLIPANA NGAYONG PANDEMYA

Naglabasan umanong parang kabute ang iba’t ibag uri ng scam o panloloko ngayong may nararanasang pandemya.

Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), ngayong taon ay anim na corporate registrations ang kanilang tinanggal dahil sa serious misrepresentation.

Maliban dito, nagpalabas din sila ng siyam na cease and desist orders at 123 abiso at babala ukol sa posibleng scam.

Paglalahad ng komisyon, malaki ang kaibahan nito kung ihahambing sa 65 na advisories at 18 cease and desist orders na inilabas nitong 2019.

Sinabi pa ng SEC, nakakita umano ng oportunidad ang mga manloloko ngayong may health crisis.

“Fraudsters have seen the COVID-19 pandemic as an opportunity to prey on our fellow Filipinos. Some would appeal to the good nature of our people during these difficult times by claiming that a small percentage of their investments or profits from their investments will be donated to the COVID-19 effort. Others would take advantage of people looking for alternative sources of income while operations and work in most industries are suspended or limited,” saad ng SEC.

Ang masama pa raw dito ay hindi na lamang limitado sa ilang mga bayan at siyudad ang panloloko dahil online na ito.

Wala rin aniyang pinipili ang mga scammer at binibiktima kahit sinong makursunadahan.

Kaya naman, naglabas ang SEC ng mga senyales na posibleng scam ang negosyong alok sa isang tao.

Kasama na rito ang mga negosyong may alok na napakataas na rates of return; walang registration sa SEC; walang physical office at puro online ang mga transaksyon; at maraming iba pa.