December 24, 2024

SEAG silver medalist runner Tabal, makulay ang buhay dahil sa tinapay

ISINALAYSAY ni 2019 SEA Games Silver Medalist Mary Joy Tabal ang epekto ng epidemya sa kanyang ensayo na nagbigay daan na mag-isip na hindi na sana sasali sa Tokyo Olympics, kasama iba pang bisita na sina Ciara Sotto at Justin Tan at Ayjell Acejas sa TOPS Webinar. Gerard Villota

“Iyong bawal na lumabas, parang ang hirap, nagka-anxiety ako kasi ang sports natin ay outdoor, kaya nagtiyaga na lang ako sa bahay na magpakondisyon ng katawan.”

“Mayroon namang lugar du’n sa tabi naming na uphills stair at doon ako nag-eensayo. Iyong mga core exercise, iyon na lang ang ginagawa ko.”

Ito ang pahayag ni SEAG silver medalist at Rio Olympian Mary Joy Tabal kaugnay sa naranasan niyang anxiety ngayong COVID-19 pandemic. Aniya, nag-aalala siya dahil naudlot ang balak niyang training.

Iyon pa naman sana raw ang qualifying stint niya para makalaro sa Tokyo Olympics sa 2021. Ngunit, hinadlangan aniya ng COVID-19 ang pangarap niya.

Kuwento pa ni Tabal sa TOPS Usapang Sports On Air, mahigpit pa rin sa Cebu City. Gayunman, nabigyan siya ng special quarantine pass ng POC at IATF. Kaya, pwede siyang mag-ensayo sa labas ng bahay.

 “Nagpapasalamat ako sa kanila, pero may strict guidelines pa rin na pinaiiral kahit na pwede ako tumakbo sa labas,” wika ng 30-anyos na long distance running champion.

Dagdag pa niya, habang naka-quarantine, nagbi-bake siya. Nag-set-up siya ng bakeshop online. Siya mismo ang gumagawa at nagdi-deliver ng tinapay.