
CEBU CITY – Umalingawngaw sa social media ang isang video na naglalantad umano ng isang “scam hub” sa Barangay Kasambagan, Cebu, kung saan mga Pilipino umano ang utak ng panloloko sa mga banyaga — at kumikita pa ng halos P45 milyon kada taon!
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), iniimbestigahan na nila ang naturang operasyon matapos mag-viral ang video na in-upload ng YouTube user na “mrwn”, na umani na ng mahigit 1.7 milyong views.
Sa naturang footage, makikita ang mga CCTV at audio recordings mula sa loob ng opisina kung saan sinasabing isinasagawa ang investment scam gamit ang pekeng AI company website. Target umano ng sindikato ang mga dayuhang mula South Africa na kinukumbinsing maglagak ng pera kapalit ng malaking tubo — pero sa huli, binubudol lang pala!
“Ang operasyon ng scam hub na ito ay dito mismo sa Pilipinas, partikular sa Cebu. Pero ang mga biktima ay nasa ibang bansa — South Africa,” ayon kay DICT Spokesperson Assistant Secretary Renato Paraiso. “May mga na-profile na kaming tao mula sa video ni ‘mrwn’, at iniimbestigahan na sila.”
Ayon pa kay Paraiso, base sa kalkulasyon ng content creator, umaabot sa $800,000 o halos ₱45 million kada taon ang kinikita ng naturang grupo mula sa panloloko.
Hindi ligtas ang mga suspek kahit pa banyaga ang mga nabiktima — puwede pa rin silang kasuhan dito sa Pilipinas, lalo na’t may umiiral nang Anti-Financial Scams Law, Online Transactions Act, at ang Cybercrime Prevention Act of 2022.
Pinag-aaralan na rin ng DICT kung may pagkukulang ang mga lokal na pamahalaan, lalo na sa pagbibigay ng permit sa mga ganitong negosyo. “Kung may sablay sa pag-iisyu ng permit, dapat isama ‘yan sa report,” diin ni Paraiso.
Na-raid at ipinasara na rin ng Cebu City Police Office ang naturang opisina nitong Martes ng hapon. Abangan ang sunod na kabanata — ilalantad ba ang mga mukha ng mga scammer? O may mas malalaking isda pa sa likod ng operasyon?
More Stories
House Bill na Layong Palawigin ang Termino ng mga Barangay at SK Officials, Lusot na sa Kamara
Sabong—Kultura at Kabuhayan, Huwag Isama sa Batas!
Villanueva Itinalagang Bagong Associate Justice ng Korte Suprema