
MANILA — Nagpaalala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na maging mapanuri at alerto laban sa mga lumalaganap na scam sa social media, partikular ang mga pekeng online pautang na tinatarget ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Sa isang Facebook post nitong Miyerkules, binigyang-diin ng DMW ang pakikipagtulungan nito sa Securities and Exchange Commission (SEC) upang labanan ang mga bogus na lending schemes na naglipana online.
“Mga OFWs, mag-ingat sa mga pekeng pautang sa Facebook! Nanghihingi ng bayad bago magpautang? Scam ‘yan!” mariing paalala ng ahensya.
Ayon sa DMW, karaniwang modus ng mga scammer ang magpakilalang lehitimong lending company, mangako ng agarang pautang, at pagkatapos ay hihingi ng “processing fee” o “initial payment”—ngunit matapos itong makuha, bigla na lang nawawala’t hindi na matunton.
Nilinaw din ng ahensya na hindi kailanman nanghihingi ng bayad ang mga lehitimong lending institution bago ilabas ang anumang pautang.
Bilang dagdag proteksyon, hinimok ng SEC ang publiko na gumamit ng SEC Check App, isang tool na maaaring i-download online, upang mabilis na ma-verify ang legalidad ng mga kompanyang nagpapautang.
Tiniyak naman ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na patuloy ang pagtutok ng DMW sa kapakanan at kaligtasan ng mga OFW at ng kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Hindi kami papayag na samantalahin ang ating mga bagong bayani,” ani Cacdac. “Kung may kahina-hinalang pautang o online offer, agad itong i-report sa DMW o SEC.”
Para sa mga reklamo o tanong, maaaring makipag-ugnayan sa:
- DMW Hotline: 1348
- SEC: www.sec.gov.ph
- o bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook pages.
More Stories
No. 8 MOST WANTED SA PASIG, ARESTADO SA ISABELA!”
BITIN ANG BIDA! 2025 PBA All-STAR, KAKANSELAHIN NA
Pamamaril sa Radio Blocktimer sa Talisay, Kinondena ng Negros Press Club