January 27, 2025

SC ibinasura petisyon vs PUV modernization

IBINASURA ng Supreme Court ang petisyon ng mga jeepney operator at driver na ipawalang-bisa ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng Department of Transportation (DOTr).

Sa desisyon ng Supreme Court (SC) en banc, na iniakda ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, ibinasura nito ang petition for certiorari and prohibition na inihain ng mga petitioners na Bayyo Association. Inc. (Bayyo) at ng pangulo nito na si Anselmo D. Perweg.

Hinahamon ng Bayyo, na nagpapakilala bilang isang samahan na binubuo ng 430 jeepney operators at drivers na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at nag-o-operate sa iba’t ibang ruta sa Metro Manila, ang validity ng DOTr Department Order (DO) No. 2017-011, na may kinalaman sa implementasyon ng PUVMP.

Ikinatwiran ng mga petitioners na ang DO No. 2017-011 ay isang invalid delegation ng mga legislative power at ang paragraph 5.2 nito ay ‘unconstitutional’ dahil sa paglabag sa due process at equal protection clauses ng Konstitusyon.

Anila pa, kaakibat ng naturang probisyon ang phaseout at pagpapalit ng mga lumang PUVs ng mga brand new at environment-friendly units.

Gayunman, sinabi ng SC na dapat lamang na ibasura ang petisyon dahil sa kakulangan ng legal standing ng petitioners at paglabag sa principle of hierarchy of courts.

Bagamat nagprisinta ang Bayyo ng Certificate of Registration mula sa SEC na ito ay rehistrado bilang asosasyon ay bigo itong patunayan na ang kanilang mga miyembro ay tunay ngang mga PUJ operators at drivers.

Bigo rin umano ang Bayyo na ipakita kung sino ang kanilang mga miyembro at patunayan na sila ay duly authorized ng mga ito upang ihain ang naturang petisyon. Nalabag din ang principle of hierarchy of courts, na nagsasaad na ang petisyon ay dapat na idulog muna sa pinakamababang hukuman na siyang may hurisdiksiyon dito, hanggang sa makarating ito sa Korte Suprema.