January 24, 2025

Sasakyan ng mga pulis tumagilid sa kalsada sa Caloocan City

ISANG police patrol vehicle na lulan ang dalawang pulis at dalawang naarestong drug suspect ang bumaliktad matapos nitong mabangga ang isang multi-purpose vehicle (MPV) sa Malaria Road sa Barangay 185, Caloocan City, Biyernes ng umaga.

Sinabi ni Maj. Segundino Bulan Jr., Caloocan City Police Station (CCPS) Tala Substation (SS 14) commander, na nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga

Sinabi ni Bulan na dumaan ang sasakyan sa Malaria Road na nagmula sa isang ospital sa Caloocan City South, kung saan sumailalim ang dalawang suspek sa physical/medical examinations matapos silang arestuhin.

Dagdag pa niya, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang pulis na nagmamaneho ng patrol car bago tumama sa isang kulay abong Toyota Innova MPV. Tumagilid ang sasakyan ng pulis sa pagkakabangga.

Ligtas ang mga pulis at ang mga naarestong suspek ngunit dinala pa rin sila sa ospital upang matiyak na hindi sila magtamo ng malubhang pinsala, sabi ng SS 14 commander.

Sinabi ng SS14 na ang dalawang suspek na sina Joel Espayos, 42, at Edmon Montalla, 29, kapwa taga-Caloocan City, ay naaresto ng mga pulis matapos makuhanan ng P6,800 halaga ng “shabu” sa anti-illegal drug operation sa Gumamela St. sa Brgy. 185 bandang alas-11:50 ng gabi.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sabi ng pulisya.