November 13, 2024

SARHENTO PINASISIBAK DAHIL SA P300K EXTORTION

MALIBAN sa kasong kriminal, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar na sasampahan din ng kasong administratibo ang isang police sergeant sa Cauayan City, Isabela, dahil sa reklamong pangingikil nito sa pamilya ng naaresto nilang drug suspek.

Ayon kay PGen Eleazar, Agad niyang ipinag-utos na simulan ang summary proceedings laban kay Police Master Sergeant Sherwin Gamit, na nakatalaga sa warrant section ng Cauayan City Police na naaresto dahil sa robbery – extortion at illegal possession of firearms.

 “Matapos ang isinagawang entrapment operation dahil sa reklamong nangingikil si Police Master Sergeant Sherwin Gamit sa pamilya ng isang nahuling drug suspect, inutusan ko na ang RD, PRO2 na umpisahan na ang proseso ng administrative case upang tuluyan nang matanggal sa serbisyo ang pulis na ito,” saad ni Eleazar.

 “Sa kabila ng paulit-ulit nating babala, patuloy ang pananamantala at kalokohan ng ilan naming kasamahan kaya tinitiyak ko rin sa ating mga kababayan na patuloy ang aming agresibong kampanya upang walisin ang mga ganitong klaseng pulis sa aming hanay,” dagdag niya.

Nahuli si Gamit ng mga operatiba ng PNP-Regional Integrity Monitoring and Enforcement Team (IMEG), Isabela Police Intellegence Unit (PIU) at Cauayan City Police na tumatanggap ng P300,000 marked money mula sa babaeng kamag-anak ng drug suspect.

Sinabi umano ng pulis na ang pera ay para umano gamitin sa “pag-aayos” ng kaso at maabsuwelto ang naturang drug suspect.

Nakuha ng mga otoridad kay Gamit ang boodle marked money, isang kalibre 22 pistol na walang serial numbers at ang caliber 9mm na police service firearm at tatlong magazine nito na loaded ng mga bala.

Bukod dito, nakuha rin kay Gamit ang P5,055 cash, iba’t ibang resibo, PNP Identification Card, ATM cards at isang kulay itim na leather ID case.

Kasalukuyan nang nasa kostudiya ng pulisya si Gamit habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.

 “We need the help of our kababayan on this goal that is why we are continuously encouraging the public to report to us any abuse and wrongdoing being committed by our men and I assure you of our swift action,” ayon kay Eleazar.

 “Ang ating pananahimik at pagsasawalang-bahala sa mga kalokohan ng mga ganitong uri ng pulis ay nagpapalakas lang ng loob nila na magpatuloy sa kanilang mga maling gawain,” paalala ng heneral.

Hinimok din niyang dumulog ang publiko sa Integrity Monitoring and Enforcement Group ng PNP o tumawag sa E-Sumbong program ng pulisya. (KOI HIPOLITO)