January 23, 2025

SARANGGOLA BAWAL NA SA MAYNILA





PATAWAD, Pepe, hindi ka na makapagpapalipad ng saranggola sa lungsod ng Maynila.


Ito’y matapos maglabas ng isang memorandum ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa lahat ng opisyal ng barangay na nagbabawal sa pagpapalipad ng saranggola  sa siyudad makaraang makatanggap ng kaliwa’t kanang reklamo dahil pinagmumulan ng iba’t ibang sakuna.

“Sa kadahilanang napakarami naming natatanggap na report at reklamo tungkol sa mga problemang idinudulot ng pagsasaranggola, minabuti na lang naming na magbigay ng direktiba na ipagbawal na ang pagpapalipad ng saranggola sa kalakhang Maynila,” ayon sa memorandum.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pagpapalipad ng saranggola ay pinagmmumulan umano ng ng iba’t-ibang sakuna tulad ng sunog, pagka-kuryente ng nagpapalipad, aksidente, at kalat.

Saad sa direktiba ni Manila Barangay Bureau (MBB) Director Romeo Bagay, sakaling dumikit aniya ang pisi ng saranggola sa kawad ng koryente ay maaaring mag-short ito at magdulot ng sunog o kaya ay makuryente ang nagpapalipad ng saranggola.

Maaari din umanong magdulot ito ng aksidente sa oras na pumulupot ang nakalaylay na pisi sa mga nagmomotor, nagbibisikleta o naglalakad na pinagmumulan ng pagkahulog.

Bukod dito, nagdudulot din ito ng kalat dahil ang mga saranggolang maiiwang nakasabit sa poste at kabahayan ay nagiging sanhi ng hindi magandang tanawin sa inyong barangay.