May 12, 2025

SARA ‘SURVIVAL MODE’ NA! VP BUMALING NG IHIP SA GITNA NG IMPEACHMENT

Nagbago ng tono si Vice President Sara Duterte—at ayon sa ilang mambabatas, hindi ito nakakagulat. Sa gitna ng nakaambang Senate impeachment trial, tila napilitan si Inday Sara na ilagay ang sarili sa “survival mode.”

Ito ang buod ng pasabog na pahayag ng House Young Guns members na sina La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, nitong Linggo, Abril 20.

Dati’y tahasang sinabi ng bise presidente na hindi siya mag-iendorso ng kahit sinong tatakbo sa 2025 senatorial race. Pero ngayon, dalawa na agad ang sinusuportahan niya.

Ang twist? Ang mga senador ang magsisilbing huwes sa kanyang impeachment trial. Ang hatol nila, magpapasya kung manatili pa ba si Sara sa puwesto o tuluyang sibakin.

“Malinaw na hindi na lang prinsipyo o plataporma ang labanan dito. Usapang alyansa na ‘to—at survival,” ani Ortega, deputy majority leader ng Kamara.

Bagamat nauunawaan niya ang “konteksto,” sinabi ni Ortega na mahalaga pa rin ang pagiging konsistent ng mga opisyal sa kanilang sinasabi’t ginagawa. “Lalo na’t pinapanood tayo ng taumbayan,” aniya.

Nanawagan din siya sa Senado na maging patas sa paglilitis at ‘wag padadala sa politika o endorsements.

“Bigyan natin ng pagkakataon ang hustisya na manaig, tahimik at walang gimik,”
dagdag niya.

Ayon kay Adiong, assistant majority leader: “Hindi na kami nagulat. Obvious naman—binubuo na niya ulit ang mga tulay na minsan na niyang sinunog.”

Hindi raw masama na magkaroon ng sariling diskarte ang VP, pero ang oras ng pagkilos ay kaduda-duda.
“May karapatan siyang mamili ng susuportahan, pero hindi maiiwasan ang tanong sa timing at intensyon,” ani Adiong.

Aniya pa, “Kapag ang isang opisyal ay biglang nag-iba ng ihip ng salita, lalo’t halatang taktikal, siguradong pagbubulung-bulungan ‘yan.”

Giit pa ng Mindanaoan lawmaker, “Ang tiwala ng publiko sa ating mga institusyon ang nakasalalay dito.”
Nanawagan si Adiong sa Senado na maging matatag sa gitna ng political na unos at maghatol batay sa katotohanan at batas.

“Walang personalan, trabaho lang. Pero trabaho dapat ang ayos at walang bahid.”