November 15, 2024

SARA DUTERTE NAKIPAGKITA KAY LENI ROBREDO SA NAGA CITY (Matapos ‘kumalas’ kay Marcos)

GINULAT ni Vice President Sara Duterte ang mga political observer nang makipagkita ito kay dating Vice President Leni Robredo sa Naga City, Camarines Sur.

Ngunit ang naturang pagbisita ni Duterte ay hindi raw para humingi ng suporta kay Robredo at walang kinalaman sa politika.

“Dinalaw ni VP Sara si former VP Leni sa bahay. Personal ang usapan at hindi political,” paglilinaw ni Barry Gutierrez, dating spokesperson ni Robredo. “VP Leni is accustomed to being a gracious host, especially for visitors to Naga during Peñafrancia. She welcomed VP Sara as a good host,”  dagdag pa nito.

Ang selebreasyon ng Peñafrancia ay ang bersiyon ng Bicol ng Nazareno sa Maynila. Natapos ang pagdiriwang nitong Setyembre 21.

Naging usap-usapan ang nasabing pagkikita nina Leni at Sara.

Matataadaan na sinabi ni Vice President na hindi niya kaibigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kanyang running mate sa ilalim ng Uniteam. Naging pinakamalaking magkalaban sa politika sina Marcos at Robredo nang magharap ito sa dalawang national elections. Nanalo si Robredo sa 2016 vice presidential race, habang nanalo naman si Marcos bilang pangulo dalawang taon ang nakalilipas.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, nadadawit ngayon ang dating makapangyarihang pamilya Duterte sa congressional investigation, tulad ng pagdinig ng quad committee ng House of Representatives sa drug-related killings na iniuugnay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Habang nahirapan naman ang Vice President na idepensa ang kanyang budget para sa 2025.

Sa isang statement, nilinaw ng kampo ni Duterte na nasa Naga City ang Vice President para ipagdiwang ang kanyang unang Peñafrancia Festival.”

“She was invited by a Bicolano friend to attend the centennial anniversary mass of the Canonical Coronation of Our Lady of Peñafrancia on September 20. The same friend also arranged a casual meeting with former Vice President Leni Robredo,” ayon sa OVP. “During her stay in Naga, Vice President Duterte visited several prominent Bicol personalities and heard mass with ordinary Bicolanos.”

Hindi dapat kalimutan na noong siya ang vice president, si Robredo ay binastos, inatake at initsapwera ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Madalas ding banatan ni Sara noon si Robredo.

Noong 2019, tinawag na “fake VP” ni Sara Duterte si Robredo nang iprotesta ni Marcos Jr ang resulta ng 2016 elections. Pero kalaunan ay kinatigan ng Supreme Court ang pagkapanalo Robredo. Binatikos din ni Sara si Robredo nang magkomento ang noo’y vice president kaugnay sa paglobo ng COVID-19 cases sa Davao City sa kasagsagan ng pandemic, nang alkalde pa lang noong si Sara.