January 23, 2025

SAP 2ND TRANCHE, IPINAMAHAGI NA SA NAVOTAS

NAG-UMPISA na ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas maglabas ng lokal na pondo upang makumpleto ang P8,000 Bayanihan 1 Social Amelioration Program (SAP) 2nd tranche para sa 4,986 na pamilyang Navoteño.

Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng P3,000 bawat isa sa pamamagitan ng SAP-LOLO Program (Saklolo Para sa mga Navoteñong Kulang ang Natanggap na 2nd Tranche SAP mula sa DSWD-NCR).

“Ito na po ang pinangako namin pagkatapos ng meeting sa DSWD NCR. Three weeks po ang hiningi namin noon pero nagmadali po talaga kami dahil alam naming matagal n’yo na itong hinihintay,” ani Mayor Toby Tiangco.

Ang unang payout ay inilabas sa 3,105 benepisyaryo na nakatanggap ng kanilang P5,000 cash aid noong October 2021 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.

Nitong Marso 12-13, 1,881 na benepisyaryo, na sumailalim sa validation noong Disyembre at kinumpirma ng DSWD NCR na hindi pa nakakatanggap ng kanilang pangalawang tranche, ay makakatanggap din ng kanilang P3,000 emergency subsidy mula sa pamahalaang lungsod.

Noong nakaraang taon, naglaan din ang Navotas ng P32,417,000 at P26,558,000 para madagdagan ang ECQ Ayuda mula sa pondo ng national government at matulungan ang mga constituent na hindi kasama sa listahan ng mga benepisyaryo. (JUVY LUCERO)