Upang malinis ang Philippine National Police laban sa drug syndicates at “Ninja Cops,” umapela si Interior Secretary Benhur Abalos sa lahat ng police colonels at generals na magsumite ng courtesy resignation.
Sa press conference na ginanap sa PNP Multi-Purpose Center sa loob ng Camp Crame nitong Miyerkules, sinabi ni Abalos na nagkasundo na diumano sila ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. hinggil sa kanyang apela.
Mayroon ding binuo na komite na may limang miyembro na siyang sasala sa resignation letter ng mga police colonels at generals.
“Ako ay nananawagan sa lahat ng full colonel hanggang general, ako ay umaapela na mag-submit ng courtesy resignation. Alam kong mabibigla kayo pero this is the only way to make a fresh start,” saad ng DILG Secretary.
Nagdesisyon si Abalos na hingin ang courtesy resignations ng mga senior officer sa PNP dahil sa aniya’y malala na “impeksyon sa organisasyon.”
Isa-isang inilatag ni Abalos ang rason para hilingin ang resignation ng mga police colonel at general at ito ang pananatili ng “Ninja Cops” gaya ni MSgt. Rodolfo Mayo na aniya’y hindi naman kikilos kung walang mataas na nagpo-protekta sa mga ito.
“Sa imbestigasyon na ginawa ng ating kapulisan, nakakabigla na malalim na ang impeksyon sa kapulisan. ‘Yung kay Mayo, hindi lamang si Mayo kundi marami pang pulis ang kasangkot dito. Sa PDEA ay ganun din,” ayon kay Abalos.
Bukod kay Mayo ang pagkakadakip sa pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Southern District Office na si Enrique Gumba at tatlong tauhan nito.
Naniniwala si Abalos na kaya malalakas ang loob ng mga ito na gumawa ng masama ay mayroon pang mas mataas na ranggo na nakakaalam ng kanilang illegal na aktibidad kaya naman dapat mismong ang kanilang puno at ugat ang kalusin.
“Mahirap lumaban sa giyera na ang kakampi mo ang babaril sa likod mo, kinakailangan na linisin natin ang hanay natin. Kailangan natin ang tiwala ng taumbayan ay lalong magtiwala sa atin,” ayon pa sa kalihim.
Nilinaw naman ni Abalos ang proseso ng pagsusumite ng courtesy resignation.
Una aniya ay ipasa sa kanila habang hindi naman babakantehin ang kanilang opisina at magpapatuloy pa rin ang day-to-day operation ng mga ito.
Habang ang komite na may limang miyembro na binuo ay papangalangan pa lamang, at magkakaroon ng masusing pag-aaral kung nararapat tanggapin ang resignation.
Samantala, itinanggi ni Abalos na kinopya niya ang 1992 Alunan Committee na aprubado noon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos kahalintulad ng mechanics na pinag-resign din ang matataas na opisyal.
Giit ni Abalos na hindi nakasentro sa droga ang Alunan committee noon at ang bagong komite sa ilalim ng kanyang administrasyon ay paglaban lamang sa droga. .
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA