June 20, 2025

San Juan, pormal nang kinilala bilang unang Drug-Cleared City sa Metro Manila

Isang makasaysayang tagumpay ang nakamit ng San Juan City matapos pormal na kilalanin bilang kauna-unahang “drug-cleared city” sa buong Metro Manila, ayon sa sertipikong iginawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Hunyo 19 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Ang Certificate of Recognition ay ibinigay ni PDEA-NCR Regional Director Emerson Rosales kay San Juan City Mayor Francis Zamora, sa harap ni DILG Secretary Jonvic Remulla at mga miyembro ng Regional Peace and Order Council – NCR sa kanilang 2nd Full Council Meeting.

Binigyang-diin ng PDEA na ang parangal ay resulta ng matagumpay na deliberasyon at beripikasyon ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing, na binubuo ng PDEA, DILG, Philippine National Police (PNP), at Department of Health (DOH).

Nakamit ng San Juan ang 100% drug-cleared status sa lahat ng barangay nito noon pang 2023—isang pangunahing rekisito bago ideklarang drug-cleared ang buong lungsod.

Nagpasalamat si Mayor Zamora sa lahat ng tumulong sa tagumpay ng lungsod—mula sa San Juan Police, mga opisyal ng barangay, City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), mga department head, hanggang sa mga mamamayan ng San Juan.

“Hindi dito nagtatapos ang laban natin kontra droga. Ang pagkilalang ito ay magsisilbing inspirasyon para mas paigtingin pa natin ang mga enforcement operations, community-based rehabilitation, at edukasyon para sa kabataan,” ani Zamora.

Bukod sa pagiging drug-cleared, San Juan City rin ang may pinakamababang crime volume sa buong Metro Manila, patunay ng epektibong peace and order initiatives ng lokal na pamahalaan. Ang pagkilalang ito ay hindi lamang tagumpay ng San Juan, kundi modelo para sa buong rehiyon—isang patunay na sa tulong ng koordinadong aksyon ng pamahalaan at komunidad, posible ang isang lungsod na ligtas at malaya sa ilegal na droga.