May 2, 2025

San Juan, Opisyal nang Drug Cleared City—Unang Lungsod sa Metro Manila

Epektibo ngayong Mayo 2, 2025, opisyal nang idineklara ang Lungsod ng San Juan bilang unang Drug Cleared City sa buong Metro Manila, ayon sa Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing.

Ang komite ay binubuo ng mga kinatawan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Department of Health (DOH).

Ang deklarasyon ay isinagawa matapos ang matagumpay na deliberasyon at ebalwasyon ng 1st Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing para sa aplikasyon ng San Juan bilang drug cleared city, na ginanap sa Sangguniang Panlungsod Session Hall. Kabilang din sa aktibidad ang 1st Conferment para sa retention ng mga validated drug-cleared at verified drug-free barangays para sa taong 2025.

Dumalo sa naturang aktibidad sina PDEA-NCR Regional Director Emerson Rosales, DILG-NCR Regional Director Maria Lourdes Agustin (na kinatawan ni LGOO VII Ana Jury Castillo), NCRPO Director Gen. Anthony Aberin (na kinatawan ni PCOL Angel Garcillano), at DOH-NCR Regional Director Dr. Lester Tan (na kinatawan ni Ms. Thea Marie Santiago).

Naabot ng San Juan ang 100% drug-cleared status sa lahat ng barangay nito noong 2023, na naging pangunahing batayan para sa city-wide na deklarasyon. Gayunman, nilinaw ng komite na mas mataas at mas mahigpit ang pamantayang sinusunod upang ganap na kilalanin ang isang lungsod bilang drug cleared, kumpara sa barangay-level clearance.

Bukod sa pagkilalang ito, hawak din ng San Juan ang rekord ng pagiging lungsod na may pinakamababang antas ng krimen sa buong Kalakhang Maynila.

Bagamat ang opisyal na Drug Cleared City Certificate at Barangay Seal of Excellence ay pormal na ipagkakaloob matapos ang pagbawi ng COMELEC election moratorium, epektibo na ang deklarasyon simula ngayong araw.

Sa isang pahayag, nagpasalamat si Mayor Francis Zamora sa lahat ng ahensyang bumubuo ng oversight committee, sa San Juan Police, mga opisyal ng barangay, City Anti-Drug Abuse Council, mga hepe ng iba’t ibang departamento, at sa mamamayan ng San Juan. Nangako rin siyang magpapatuloy ang lungsod sa pagpapatupad ng mga programa laban sa droga, kabilang ang enforcement, rehabilitasyon, at preventive education.

“Ang tagumpay na ito ay tagumpay ng buong San Juan,” ani Zamora. “Ngunit ang tunay na hamon ay kung paano natin ito mapapanatili. Kailangan ang tulong at disiplina ng bawat San Juaneño.”

Muling nanawagan ang alkalde sa mga residente na sama-samang pangalagaan ang bagong estado ng lungsod bilang modelo ng isang ligtas at malinis na komunidad.