November 16, 2024

SAMBAYANANG FILIPINO DAPAT MAGKAISA PARA SA BANSA (Medal of Valor Awardee nanawagan)

Sa harap nang tumataas na banta sa panloob at panlabas ng Pilipinas, umaapela sa sambayanan si Dating Marine Colonel Ariel Querubin na magkaisa.

Ginawa  ng Medal of Valor awardee na Marine Officer ang pahayag sa idinaos na The Agenda forum sa Club Filipino patungkol sa EDSA 1.

Napuna ni Querubin na sa kabila ng mga reporma matapos ang  EDSA, patuloy na humaharap ang mga Filipino sa mga banta ng mga teroristang grupo at  dumaranas  ng bullying sa West Philippine Sea.

Iginiit ng retiradong Philippine Marine Corps officer na panahon na upang isantabi ang pagkakaiba at manindigan upang mapagtagumpayan ang mga bantang nararanasan mula sa panloob at panlabas ng bansa.

Aniya, sa harap ng pinakahuling   terrorist attacks sa  Mindanao at lumalalang tension sa West Philippine Sea, kailangan aniyang magsama-sama ang mga mamamayan laban sa mga kaaway ng estado.

Matatandaang anim na sundalo ang napaslang noong Linggo sa Lanao del Norte pursuit operation upang ma-neutralize ang mga nasa likod ng pambobomba sa Mindanao State University.

Sa West Philippine Sea, aniya, nanatiling banta ang China lalo na at nagsisilbing hinahadlangan ng Chinese Coast Guard ang regular rotation at resupply missions sa BRP Sierra Made. Nakalulungkot aniya dahil patuloy na nagdurusa ang mga Filipino dahil sa gutom at kahirapan, kaya kailangang-kailangan aniya ang matatag at malinis na pamahalaan upang mapagbuti ang kapakanan ng mamamayan at makasulong na ang bansa.