PARA maitaas ang antas ng kamalayan ng mga kabataan sa kanilang mga karapatan at tungkulin at magkaroon ng pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa, inihain ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas na nagmamandato sa pagsaklaw ng pag-aaral ng Saligang Batas sa kurikulum ng mga junior at senior high school students.
“Ang pagkakaroon ng nationalist mindset ay dapat maituro sa mga mag-aaral upang mabuhay sa kanila ang pagnanasa at adhikaing iangat at palakasin ang ekonomiya ng Pilipinas,” ani Estrada na chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation sa kanyang paghahain ng Senate Bill No. 1443 o ang panukalang Mandatory Constitutional Education Act.
Layon ng panukalang ito na makabuo ng isang Constitutional Education Course para sa secondary school students sa lahat ng pampubliko at pribadong institusyon upang pagyamanin ang pang-unawa at pakikilahok ng mga kabataan sa mga proseso ng pamahalaan, at bigyan sila ng kaalaman ukol sa Konstitusyon na magagamit nila sa kanilang pagsusuri at pag-aanalisa ng mga pampublikong isyu.
Ang pagtatatag ng nasabing kurso, aniya, ay dapat alinsunod sa mga pamantayan at prinsipyo ng enhanced basic education curriculum na nakasaad sa RA 10533.
Layunin din ng panukalang batas ang pagpapaunlad ng mga teknikal na kasanayan ng mga mag-aaral lalo na sa larangan ng agham, teknolohiya, engineering, at matematika (STEM).
Sa panukala ni Estrada, makikipagtulungan ang Department of Education (DepEd) sa mga ahensya ng gobyerno at mga eksperto sa Saligang Batas mula sa hanay ng mga nasa akademya upang maitatag ang nasabing kurso at imandato rin ang pagsasanay ng mga guro sa pagtuturo nito.
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON