December 26, 2024

SALES LADY PUMALAG SA HOLDAP, KINATAY


Isang saleslady ang nasawi matapos pagsasaksakin ng isang holdaper makaraang pumalag ang biktima sa panghoholdap ng suspek sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Maribeth Camilo-Goco, 47 ng 282 Gen. Luna St. Brgy. Baritan.

Nakapiit naman ngayon habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si Leo Ifsor, 29 ng 0635 Magat Salamat St. Brgy. Daang Hari, Navotas city.

Sa report nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Jose Romeo Germinall kay Malabon police chief Col. Joel Villanueva, dakong 1 ng hapon nang pumasok ang suspek sa Meliza’s Lingerie and Accessories Boutique sa Unit 2 No. 352 Gen. Luna St. Brgy. Baritan kung saan nagtatrabaho ang biktima bilang sales lady.

Kaagad nagdeklara ng holdap ang suspek habang armado ng patalim subalit, pumalag ang biktima na naging dahilan upang undayan ito ng mga saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan ng holdaper bago mabilis na tumakas.

Gayunman, kaagad naman naaresto ang suspek ng mga tauhan ng Sub-Station 7 na sina PSSg Anecito Liamado Jr., PCpl Zaldy Fabul at PCpl Ryan Ulat na nagpapatrolya sa nasabing lugar.

Narekober sa suspek ang isang kitchen knife na ginamit sa pananaksak sa biktima at ang tinangay na P200 habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan subalit, hindi na ito umabot ng buhay.