November 18, 2024

SAHOD SA REGION 4A GAWING P750 – LABOR GROUP

Nagtipon sa tangapan ng Regional Wage Board 4-A sa Batangas City kahapon, Agosto 7, ang mga manggagawa mula sa Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP) at Workers’ Initiative for Wage Increase-ST. Lumahok ang mga manggagwa sa ipinatawag na public hearing para sa dagdag-sahod sa rehiyon.

Panawagan ng mga manggagawa na gawing ₱750 ang minimum na sahod sa rehiyon. Suportado ang petisyong ito ng ilang mambabatas mula sa Sangguniang Panlalawigan ng Laguna.

Bagamat bahagya nang bumagal ang implasyon tungong 5.5% noong Hunyo, nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin at singil sa rehiyon. Noong Enero, pinakamataas ang tantos ng implasyon dito na pumalo sa 8.5%.

Inilagay ng estado ang Income Poverty Threshold sa Region IV-A noong 2021 sa ₱15,604 kada buwan o ₱520 kada araw. Sa kabila nito, ang pinakamataas na arawang minimum na sahod dito ay ₱470.00 lamang o katumbas ng ₱12,220.00 sa isang buwan. Sa gayon, nabubuhay ang mga pamilya ng mga manggagawa nang “below the poverty line” o mas mababa sa hangganang ng kahirapan. Ito ay sa kabila nang mataas na produktibidad (sinusukat sa Gross Regional Domestic Product) ng Region 4A noong 2021 na umabot ng ₱2.78 bilyon.

Sa kabilang panig, ang living wage sa rehiyon ayon sa IBON Foundation ay ₱1,108.00 sa isang pamilyang may limang myembro. Wala pang kalahati dito ang pinakamataas na minimum na sahod sa rehiyon.

“(A)ng petisyon sa Regional Wage Board ng MWAP na gawing ₱750.00 ang minimum wage sa Calabarzon ay naglalayon na mapaliit ang gap (puwang sa pagitan) ng minimum wage at ng living wage,” pahayag ng MWAP.

Sa datos ng Ibon, ang purchasing power ng dalawang milyong minimum wage worker sa rehiyon ay umabot ng ₱577 milyon sa isang araw noong Hulyo 2020. “Kapag naging ₱750 ang minimum na sahod, ang purchasing power sa rehiyon ay tataas ng ₱762 milyon isang araw o katumbas ng ₱197 bilyon sa isang taon, malaking tulong ito sa negosyo na lumago at tumanggap ng mga manggagawang walang trabaho,” ayon sa grupo.