HIGIT isang buwan na lang ay sasagwan na ang pinaka- dambuhalang kaganapan sa sports at turismo sa Palawan.
Hindi lamang sports development sa dragon boat ang sentro ng atensiyon bagkus ay makikinabang din ang turismo ng Puerto Princesa City na sa gaganaping pagiging punong-abala ng bansa sa International Canoe Federation (ICF) World Dragon Boat Championships na nakatakda sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4.
Ayon kay (coach) Leonora ‘Len’ Escollante, pangulo ng Philippine Canoe-Kayak Dragon Boat Federation (PCKDF) ‘matic na sa programa ng asosasyon ang pagdagsa ng mga foreign athletes at world-class champions na sasabak sa torneo, gayundin mabibigyan nito ng pagkakataon ang lungsod ng Puerto Princesa na maipakita ang kagandahan ng lungsod, gayundin ang buong lalawigan na tinaguriang ‘Last Frontier’.
Kabuuang 2,000 atleta at opisyal mula sa mahigit 30 bansa ang kompirmadong lalahok sa torneo na kauna-unahang isasagawa sa bansa sa unang pagkakataon. Darating sa bansa ang mga super power sa sports tulad ng Germany, China, Poland, Slovania, Indonesia at Russia.
“Kaya naman po at lubos ang aming pasasalamat sa tulong at suportang ibinigay ni Puerto Princesa City Mayor (Lucillo) Bayron. Isa pong malaking tulong sa ating mga atleta at sa programa ng PCKDF na palawigin ang sports sa pagsasagawa ng malalaking torneo na tulad nito,” sambit ni Escollante.
Ayon kay Escollante, naihanda ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa at ng local na tourism department, sa pakikipagtulunganng iba’t ibang progresibong asosasyon kabilang ang Indigenous people community ang iba’t ibang palabas at aktibidad upang masiguro ang tagumpay ng torneo.
“Nagpapasalamat din kami syempre sa Philippine Sports Commission, sa Immigration department, Customs at sa Armed Forces of the Philippines na tulong-tulong para mas maging madali ang preparasyon natin sa hosting,” pahayag ni Escollante.
Iginiit ni Escollante na maliban sa hinihintay na pagdating ng mga sports aquipment tulad ng paddle at bangkang gagamitin, halos lahat ay nasa tamang kaayusan, kabilang ang pagpapaganda ng gagamiting venue – ang Metro Walk area ng lungsod.
Aniya, kabuuang 40 bagong bangka ang gagamitin sa torneo na may kabuuang 52 events, tampok ang mixed 10-seater smallboat na siyang sentro ng paligsahan dahil ito ang aprubado ng ICF na qualifying meet para sa gaganaping World Games sa susunod na taon sa China.
“Syempre, bukod sa pagiging matagumpay na host, target natin na makakuha ng podium finish at pinakaimportante para sa ating koponan yung mixed – 6 na lalaki at 4 na babae – na gagamiting qualifying meet para sa World Games,” ayon kay Escollante.
Sa kabila ng presensya ng naturang mga kampeon, kumpiyansa si Escollante sa katatagan ng atletang Pinoy na walang patlang ang ensayo sa kanilang main venue sa Taytay, Rizal, gayundin sa Cebu at sa Manila Bay sa Roxas Boulevard.
Aniya, malaking tulong din sa kanilang preparasyon ang sinuportahang byahe ng PSC sa koponan sa international competitions sa nakalipas na taon.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA