January 23, 2025

SAGRADO ANG KAISAHAN NG IGLESIA NI CRISTO, HINDI IPINAGBIBILI SA MGA KANDIDATO

Tuwing halalan, hangad ng mga kandidato na dalhin sila ng kaisahan ng Iglesia Ni Cristo. Kapag kasi nabitbit ka ng kaisahan ng kapatiran, malaki ang tsansa na manalo. Malaki ang respeto nila at pagtingin sa magagawa ng ‘kaisahan’ ng INC.


Markado ang naturang relihiyon sa sinasabi nilang ‘ block voting’. Kaya, sinasabi ng karamihang politiko, kapag dinala ka ng INC, may tsansa kang magwagi. Sa kabila ng ‘unity’ o kaisahan na ito ng INC, may bumabatikos dito na ilang pangkat at indibidwal.


Bakit da aniya sinusunod nila ang pasya ng kanilang namamahala? Bakit hindi nila ihalal ang ayon sa ipinasya ng kanilang puso. Paninikil daw aniya ito sa karapatang pantao.


Tandaan natin na may pagkakaiba o seperasyon ang estado at relihiyon. Bilang mamamayan ng isang bansa, ang miyembro ng bawat relihiyon ay may karapatang bumuto. Subalit, may isinaalangalang na doktrina o tuntunin dito. Katunayan ginagawa na rin ito ng ibang sekta o relihiyon at walang masama rito. Lalo na kung taos sa puso naman na susundin ng kanilang member ang napagkaisahan.


Ika nga, ‘Ibigay ang kay Cesar at ibigay ang para sa Diyos’. May tuntuning sinusunod ang Iglesia Ni Cristo sa kaisahan nila. Dahil sa masunuring mga miyembro, susundin nila ang pasya ng kanilang namamahala. Ang siste, mabigat sa mga hindi nito miyembro ang senaryo. Samantalang nagagalak naman ang member ng INC sa pagsunod.


May ipinupukol din sa INC na nagpapabayad daw sa mga politiko. Sa gayun ay bitbitin ito. Patungkol dito, kung may bumangon mang gayun, nakatitiyak tayong hindi ito miyembro ng INC. Ito ay mga nagpapanggap lamang. Kung meron mang miyembro nila ang gagawa nito ay hindi ito palalagpasin.
Hindi gawain ng INC ang mag-extort sa mga politiko upang dalhin. Sa paglilinaw uli, kung meron man sa miyembro na gagawa nito ay aaksiyunan.


Kaya, nagbabala sa publiko ang INC patungkol sa paggamit ng pangalan para sa kanilang sariling interes. Ipagbigay alam agad sa kinauukulan at sa kanila ang mga gawaing ito.