November 24, 2024

Sagot sa job mismatch: Education curriculum ireporma – Marcos

Suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga mungkahi na ireporma ang curriculum sa edukasyon sa bansa upang matulungan ang mga estudyante batay sa kanilang kakayahan at matugunan ang problema sa job mismatch.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na isa ito sa mga isyung napag-usapan sa ikalawang Cabinet meeting ng Pangulo nitong Martes sa Malacañang.

“Among the suggestions to address these standing issues include a reform of the current curriculum since the rise of automation has posed a threat to many jobs,” ani Angeles.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang mga gabinete na kinakailangang paghusayin pa ang basic education skills para maihanda ang mga estudyante sa mas mataas na antas ng kaalaman.

Hindi lamang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang dapat na tutukan kundi pati na rin ang diploma courses.

“That’s exactly what is happening. That is why we have to look at the curriculum as well. Not only of TESDA (Technical Education and Skills Development Authority), but also even our diploma courses,” anang Pangulo.

Sa ginanap na cabinet meeting, ipinresenta ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual ang pangangailangan na ma-review ang curriculum partikular sa basic at tertiary education.

Ginawang halimbawa ni Pascual ang National University of Singapore na nakatutok at nag-aalok ng maikling kurso sa teknolohiya at nagbibigay ng micro-credential na halos kahalintulad ng diploma para sa maikling kurso.

“We’re developing or helping universities develop this system of micro-credentialing because technology is changing very fast. There is a need for workers to update themselves, to reskill or upskill,” ani Pascual.

Iminungkahi rin ni Pascual sa cabinet meeting ang pagpapadala ng mga guro sa abroad para magsanay gaya ng ginagawa ng Vietnam na nagpapadala ng kanilang mga guro sa Amerika at Europa para sa kanilang advanced studies.

Para aniya matugunan ang problema sa job mismatch, sinabi ni Pascual ba dapat magkaroon ng mahigpit na ugnayan ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at TESDA. “We will also collaborate with the said entities or authorities, the skills development, reskilling and upskilling of Philippine workforce through our own Philippine Skills Framework,” dagdag ni Pascual.