
Ano na naman ito? Isinusulong na naman sa Senado ang isang panukalang batas na kunwari’y para sa kapakanan ng mga hayop, ngunit sa dulo, baka ang mga sabungero na naman ang maparusahan!
Ang Senate Bill No. 2975 na inisponsoran ni Senadora Grace Poe ay naglalayong pagtibayin ang mga alituntunin laban sa karahasan sa hayop. Ngunit sa halip na tiyak na tukuyin kung aling mga uri ng animal fights ang ipinagbabawal, tila ito’y masyadong generalized—kaya naman maraming Pilipino ang nangangambang maisama ang sabong sa mga aktibidad na ipagbabawal.
Kung hindi ito lalagyan ng malinaw na probisyon, delikado ang magiging epekto. Sa isang iglap, maaaring buwagin ang isang legal, regulated, at kinikilalang bahagi ng ating kultura. Hindi lang ito simpleng isyu ng tradisyon—ito ay kabuhayan ng milyon-milyong Pilipino.
Isipin natin: mula sa mga manggagawa sa gamefowl farms, mananari, casador, empleyado ng sabungan, hanggang sa mga gumagawa ng feeds, gamot, vitamins, at food supplements—lahat sila ay nagsusustento ng pamilya sa pamamagitan ng sabong. Isa itong industriya na may sariling sistema, batas, at mahabang kasaysayan—minana pa natin mula sa mga Kastila.
Kung tunay ang hangad ng mga mambabatas na tapusin ang kalupitan sa hayop, tutukan nila ang mga ilegal at walang saysay na laban gaya ng dog fights, carabao fights, at horse fights—hindi ang sabong na may proseso, may alituntunin, at may respeto.
Oo, puwedeng higpitan ang mga bagong anyo ng pagsusugal gaya ng online sabong—lalo’t ito ay napatunayang nagdulot ng mga isyu sa lipunan—ngunit huwag sana nilang puksain ang tradisyonal at lehitimong sabong, na sa maraming Pilipino, ay isang dangal, isang hanapbuhay, at isang pamana.
At sa mga grupong gaya ng Animal Welfare Advocates—dapat ay bukas din ang kanilang mga mata sa realidad. Hindi lahat ng aktibidad na may kinalaman sa hayop ay cruelty. Kapag sobra ang kampanya, minsan ang mga inosente ang nadadamay.
Sa huli, ang panawagan ay malinaw:
Linawin at amyendahan ang batas.
Huwag idamay ang sabong sa mga labang walang saysay.
Igalang ang kultura at kabuhayan ng mga Pilipino.
More Stories
House Bill na Layong Palawigin ang Termino ng mga Barangay at SK Officials, Lusot na sa Kamara
Villanueva Itinalagang Bagong Associate Justice ng Korte Suprema
MBHTE napuna ang mga maanomalyang transaksyon