ARESTADO si dating Budget Undersecretary Llyod Christopher Lao, dahil sa pagkakasangkot sa iregular na pagbili ng medical supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corp. noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Isinilbi ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang arrest warrant kay Lao sa kanyang bahay sa Obrero, Davao City.
Nag-ugat ang kaso laban kay Lao makaraang maghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman sina dating Senator Richard Gordon at Sen. Risa Hontiveros.
Nakakulong ngayon si Lao sa CIDG Regional Forensic Unit 11 sa Davao City. Inisyu ang arrest warrant ni Sandiganbayan First Division chairperson Maria Theresa Mendoza-Arcega noong Setyembre 12 sa kasong paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act na may piyansang P90,000.
Samantala, hinimok ni Hontiveros si Lao na pangalan ang “big boss” na nasa likod ng umano’y korpasyon sa COVID-19 response funds ng gobyerno.
“Time to face the music, Atty. Lao. Oras na para harapin mo ang mga kaso laban sa yo. Ngayong nasa kamay na siya ng batas, aminin na rin sana niya kung sino nga ba ang ‘big boss’ na may pakana at nakinabang sa korapsyon sa bilyon-bilyong COVID–19 funds,” ayon kay Hontiveros.
Ang Pharmally ay may P650,000 kapital lamang ngunit nasungkit ang mahigit P8 bilyong kontrata sa PS-DBM sa pamumuno ni Lao na naatasang bumili ng mga medical supply tulad ng face mask, face shield, at iba pa.
Hinala ng ilang senador sa 18th Congress na pinaboran ng gobyerno ang Pharmally dahil may koneksyon ito sa dating economic adviser ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte na si Micheal Yang. Sinabi rin ng mga ito na “overpriced” ang medical supplies na ibenenta sa gobyerno.
Itinanggi ni Duterte na mayroong overpricing na naganap sa pagbili ng medical supplies.
Pinabulaanan naman ni Yang, isang negosyante sa Davao, na nagpautang ng pera sa Pharmally executives.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA