January 23, 2025

Sa peke at mapanirang paratang… DR. LEACHON KINASUHAN NG BELL-KENZ

Nagsampa ng kasong cyber libel ang kumpanyang Bell-Kenz Pharmaceutical Inc., sa pamamagitan nina Atty. Joseph Vincent Go, Andrea Guilleragan at Dezery Perlez, laban kay Dr. Tony Leachon kaugnay sa malisyosong akusasyon laban sa kompanya sa NBI Cybercrime Division sa Quezon City. (Kuha ni ART TORRES)

NAGSAMPA ang Bell-Kenz Pharma Inc. ng reklamo ng paglabag ng cyber libel law laban kay Dr. Anthony “Tony” Leachon dahil sa pagpapakalat ng malisyosong, pabaya, at walang basehan” na paratang patungkol sa kompanya.

Ayon sa labing apat na pahina ng reklamo na isinampa ng kompanya sa opisina ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation sa Quezon City sa pangunguna ng kanilang Corporate Secretary na si Atty. Joseph Vincent Go, nilabag ni Leachon ang Seksyon 4 ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 nang inakusahan ni Dr. Leachon ang Bell-Kenz ng pakikilahok sa mga hindi etikal na pamamaraan kasama na ang multi-level marketing at pyramiding scheme. Inakusahan din ni Leachon ang Bell-Kenz ng pagbibigay ng insentibo sa mga doktor kapalit ng prescribe ng kanilang gamot.

“Ang mga akusasyon na ito ay naka-damage sa reputasyon, integridad, at pangalan ng kompanya, pati ang aming mga produkto,” dagdag ni Atty. Go. “Ang mga sinasabi niya, MLM, pyramiding, nagbibigay ng kotse o mamahaling relo… Hindi ito totoo.”

“Hindi tama na ang isang kompanya ay masira pagkatapos itong itayo laboriously for how many years at naitaguyod ang kanilang reputasyon sa pamamagitan ng pag-provide ng life saving na gamot na 30% na mas mura. Ang mga aksyon ni Dr. Leachon ay nakasira ‘di lamang sa Bell-Kenz kung hindi pati  din sa mga doktor dito sa Pilipinas,” pagpapatuloy pa niya.

“Sana po sa tulong ng NBI, ma-take down po ang mga posts against Bell-Kenz na nakakasira sa kompanya at sa buong propesyon ng mga doktor,” dagdag naman ni Atty. Dezery Perlez, opisyal na tagapagsalita at legal counsel ng Bell-Kenz.

Bukod sa kasong kriminal, tinitignan din ng Bell-Kenz na magsampa ng kasong administratibo laban sa mga naninira sa kanilang kompanya at gagamitin ang lahat ng legal na paraan upang protektahan ang kanilang reputasyon.

Ipinahayag ng Bell-Kenz na sila ay bukas din sa lahat ng imbestigasyon ng mga ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa kalusugan upang masiguro at mapanatili ang industriya ng medisina sa Pilipinas.