January 11, 2025

Sa pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na walang trabaho… SPEAKER: MARCOS NASA TAMANG DIREKSYON

NANINIWALA si House Speaker Martin Romualdez na ang pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na walang trabaho ay indikasyon na nasa tamang direksyon ang “economy policy” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.


Ayon kay Romualdez, isang magandang balita at positibong pag-unlad para sa bansa ang resulta ng Labor Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan lumalabas na 3.2 porsyento na lang ang mga walang trabaho noong Nobyembre 2024, mas mababa sa 3.9 percent na naitala noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Naitala rin sa parehong survey ang ang antas ng underemployment sa 10.8 porsyento noong Nobyembre mula sa 12.6 percent noong Oktubre noong nakaraang taon.

Ayon kay Romualdez, ang pagbaba ng mga bilang ng mga walang trabaho at underemployment ay nangangahulugan na patuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng pamamahala ni Marcos. at patuloy ang pagdami ng mga oportunidad para makapagtrabaho at magkaroon ng pagkakakitaan ang mga mamamayan.

“The right economic policies are driving our growth and generating jobs for jobless Filipinos. We are happy for those who have found employment and who are working longer hours than before,” pahayag pa ng lider ng Kamara.

“For those who remain unemployed, the government has various programs to help them. We hope that as the economy grows and creates more jobs, they will eventually find employment,” dugtong ni Romualdez.

Kabilang aniya sa mga nasabing programang ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pati na rin ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na ipinatutupad naman ng Department of Labor and Employment (DoLE).

Iminungkahi ng kongresista sa mga Pilipinong walang trabaho na kumuha ng mga pagsasanay at retooling coursing na alok ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Garantiya ni Romualdez sa publiko, patuloy na magiging katuwang ng administrasyong Marcos ang Kongreso sa pagsisikap panatilihin ang paglago ng ekonomiya at paglikha ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.

“It’s a big challenge, which we hope to successfully address for the benefit of all of our people,” ayon pa sa mambabatas.