November 24, 2024

Sa kabila ng giriaan nina Marcos at Duterte… PUBLIKO DAPAT NEUTRAL LANG – PROGRESIBONG GRUPO

PINAALALAHANAN ng mga progresibong grupo na manatiling neutral sa gitna ng maiinit na palitan ng mga akusasyon sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) President Renato Reyes Jr. sa isang pahayag, nag-aaway ang dalawang paksyon kung sino ang kokontrol sa kinakamkam na bansa at hindi dahil para tunay na pagbabago.

“At the end of the day, we cannot place our hopes in any of these factions given the interests they represent,” giit ni Reyes.

Samantala, kinondena naman ng Anakbayan ang “patutsadahan” ng dalawang kampo.

“Imbis na gumawa ng mga kongkretong hakbang para apulahin ang lumalalang krisis na dinaranas ng mamamayan, mas pinipili ng mga kampo ni Marcos Jr. at mga Duterte na magbardagulan para sa sariling interes nila,” ayon kay Anakbayan national spokesperson Kate Almenzo.

Kinondena naman ng grupo ng mga mangingisda na Pamalakaya ang ginawang “hi-jacking” ni Duterte sa laban kontra sa Charter change, kung saan sinabi nito na mismong ang dating pangulo ang hindi nagpahalaga sa Konstitusyon noong panahon ng kanyang administrasyon.

Inakusahan ng grupo na isinuko ni Duterte ang soberanya ng bansa sa China kapalit ng foreign lonas, na sinasabing nagpalakas sa presensiya ng militar ng China sa West Philippine Sea upang mapinsala ang mangingisdang Filipino.

Sa isang talumpati sa prayer rally sa Davao City noong Linggo, ipinagsigawan ni Duterte na kasama umano si Marcos sa drug watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Inamin niya na ipinakita sa kanya ang listahan noong siya ay mayor pa ng Davao City.

Pero itinanggi ito ng PDEA, kung saan sinabi nito na kailanman ay hindi napasama si Pangulong Marcos Jr. sa drug watch list ng PDEA.

Rumesbak naman si Marcos noong Lunes at sinabing gumagamit si dating pangulong Duterte ng fentanyl, na aniya’y isang painkiller na mayroong matinding side effects, kung kaya’t ganoon na lamang ang tirada ng dating pangulo sa kanya.