March 21, 2025

Sa ilalim ng expanded centenarian act… NAVOTAS SENIORS, NAKATANGGAP NG CASH BENEFITS

Personal na kinamusta ni Rep. Toby Tiangco ang mga senior ng Navotas City na edad 80, 85, 90, at 95 na nakatangga ng tig-P10,000 cash incentive sa ilalim ng Expanded Centenarians Act. Si Tiangco, ay co-author ng Expanded Centenarian Acts kung saan binigyan-diin niya ang kahalagahan ng pagpaparangal sa mga senior citizen. (JUVY LUCERO)

NAKATANGGAP ang mga senior ng Navotas City na edad 80, 85, 90, at 95 ng tig-P10,000 cash incentive sa ilalim ng Expanded Centenarians Act.

Ang unang batch na 53 senior citizen, na umabot sa milestone na edad sa pagitan ng Marso 17 at Disyembre 2024, ay nakinabang din sa libreng medical check-up, mga gamot, at basic laboratory tests.

Ayon sa National Commission of Senior Citizens, ang Navotas ang unang local government unit (LGU) sa Metro Manila na namahagi ng insentibo.

Binigyang-diin ni Rep. Toby Tiangco, co-author ng Expanded Centenarian Acts, ang kahalagahan ng pagpaparangal sa mga senior citizen.

“Ang ating mga nakatatanda ay nag-alay ng maraming taon ng kanilang buhay para sa kanilang pamilya at komunidad. Nararapat lang na kilalanin at suportahan sila habang sila ay kapiling natin,” ani Cong.Tiangco.

Nabanggit din niya na ang inisyatiba ay higit pa sa tulong pinansyal.

“Hindi lang ito tungkol sa pera kundi pagpapakita ng pagpapahalaga at respeto sa ating mga lolo at lola. Ang bawat benepisyo ay isang pasasalamat sa kanilang naging papel sa ating lipunan,” dagdag niya.

Muling pinagtibay ni Tiangco ang pangako ng gobyerno sa pagpapabuti ng buhay ng mga senior citizen.

“Patuloy tayong maghahanap ng paraan upang mapabuti ang kanilang buhay at matiyak na sila ay maalagaan sa kanilang katandaan,” pahayag niya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11982, ang mga nakatatanda na umabot sa edad 80, 85, 90, at 95 ay makakatanggap ng P10,000, bukod pa sa P100,000 na insentibo para sa mga centenarian.