January 19, 2025

Sa ika-7 sunod-sunod na oil hike… GASOLINA MAY DAGDAG NA P1.20/LITER

Asahan na ang muling pagtaas ng presyo sa kada litro ng gasolina at kerosene sa susunod linggo na maaaring magmarka ng ika-pito na sunod na linggong pagtaas nito.

Sa tantiya ng industriya ng langis sa bansa batay sa apat na araw na kalakalan ng langis mula Agosto 14 hanggang 17, sinabi ni Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na ang mga inaasahang paggalaw sa presyo ay ang pagtaas ng P0.90 hanggang P1.20 kada litro ng gasolina, P0.40 hanggang P0.70 sa kada litro ng kerosene, habang walang paggalaw o may rollback na P0.20 sa kada litro naman ng diesel.

Ayon kay Romero, ang inaasahang paggalaw sa presyo ay nauugnay sa paghina ng ekonomiya ng China at unti-unting pagbaba ng demand, mga palatandaan ng muling pagbangon ng inflation ng US, mas malakas na dolyar, at mas malaki kaysa sa inaasahang paglabas sa mga imbentaryo ng US.

Karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments ang mga kumpanya ng langis tuwing Lunes, na ipapatupad sa susunod na araw.

Noong Agosto 15, nagpatupad ang mga kumpanya ng gasolina ng dagdag na P1.90 kada litro sa gasolina, P1.50 kada litro sa diesel, at P2.50 kada litro sa kerosene.

Ang pinakahuling paggalaw ng presyo ay nagdulot ng year-to-date adjustments na tumaas sa P13.40 kada litro para sa gasolina, P8.60 kada litro para sa diesel, at P5.14 kada litro para sa kerosene. Nasa P59.45 hanggang P79.95 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Metro Manila, P58.95 hanggang P72.00 kada litro sa diesel, at P75.56 hanggang P89.29 kada litro ng kerosene.