November 24, 2024

Sa ika-37 anibersaryo ng EDSA 1… MAGKASUNDO NA TAYONG LAHAT – PBBM

Kapayapaan, pagkakaisa at pagkakasundo ang siyang naging panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaalinsabay sa paggunita sa  ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution nitong Sabado.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Marcos na habang nagbabalik-tanaw ang lahat sa “fateful moment” sa kasaysayan ng bansa, ipinaaalala nito na sa kabila ng polarisasyon at pagkakahati-hati sa pulitika, ang kapasidad ng mga mamamayan para  sa kapayapaan, pagkakaisa, at pagkakasundo ang naging dahilan para maging dakila  at karapat-dapat sa pandaigdigang papuri ang mga Filipino.

Idinagdag pa nito na sa kabila nang paghahangad ng bansa  na sumulong, ang bawat isa ay dapat manatiling tahimik at gumawa ng naaangkop na mga aksyon tungo sa pag-aayos ng mga pagkakaiba at pagtutulungan.

Ang kalayaan umano ay makakamit lamang kapag ang mga Filipino ay naghahangad ng “walang katapusang pagmamahal sa sangkatauhan.”

“By accepting our diversity, we deepen our interpersonal relationships and discover how to make things work better for all,”ani  Marcos.

Ang Pebrero 25 ay isang regular working day matapos ilipat ni Marcos sa Peb. 24 ang pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.