June 26, 2025

Russian vlogger na nambastos sa mga Pilipino, mananatili sa kulungan sa Pinas

MANILA — Hindi pa makakauwi sa lalong madaling panahon ang kontrobersyal na Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, matapos kumpirmahin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na mananatili ito sa bansa upang pagdusahan ang kanyang sentensiya kaugnay ng pambabastos at panlalait sa mga Pilipino para lamang sa content.

Ayon kay Remulla, haharap sa paglilitis si Zdorovetskiy sa susunod na linggo para sa tatlong bilang ng unjust vexation, na may kaakibat na parusang tatlo hanggang 12 buwan ng pagkakakulong.

“We will service his sentence. Sinigurado ko po ‘yun,” pahayag ni Remulla sa isang press release nitong Linggo.

Dagdag pa ng kalihim, hindi opsyon ang deportation dahil tumanggi na rin ang Russia at Estados Unidos—kung saan may green card si Zdorovetskiy—na siya’y tanggapin pabalik.

Sinabi rin ni Remulla na sumulat si Zdorovetskiy sa kanya, humihingi ng tawad at nagbabangkgit ng mental health issues upang ipa-urong ang kaso, subalit tuloy pa rin ang proseso ng batas.

Kung mapapatunayang guilty, maaaring umabot hanggang 18 buwan ang kanyang pagkakapiit sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Si Zdorovetskiy, na kilala rin sa YouTube sa pangalang VitalyzdTv, ay naaresto noong Abril 3 matapos lumabas ang video kung saan kinukutya at pinagmumura ang mga Pilipino sa kalye.

Si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay dati nang kinondena ang ginawa ng vlogger, at nagpahayag na hindi niya kukunsintihin ang anumang uri ng pang-aabuso na pinapalabas bilang libangan. Nadeklarang persona non grata si Zdorovetskiy sa ilang bansa dahil sa kanyang bastos at mapanirang content, at ngayon ay kakaharapin ang bigat ng batas—dito mismo sa Pilipinas.