
Depensa ang pinakamalakas na opensa. Iyan ang pinatunayan ni RR Pogoy matapos ang kanyang game-saving steal na nagpabuhay sa TNT Tropang Giga sa kanilang PBA Philippine Cup quarterfinal Game 1 laban sa Magnolia Hotshots sa Philsports Arena.
Sa natitirang 3.2 segundo, hawak ng TNT ang manipis na kalamangang 89-88. Ngunit sa gitna ng tensyon, hinigpitan ni Pogoy ang bantay kay Zav Lucero, at sa mismong pagtanggap pa lang ng inbound pass mula kay Rome dela Rosa, dinakma ni Pogoy ang bola at binigo ang Hotshots na makabuo ng last-second shot.
“’Yung mindset ko lang this game ay ayaw ko magpatalo, ayaw ko magbakasyon,” mariing pahayag ng beteranong shooter sa post-game presscon.
Hindi lang sa depensa naging bayani si Pogoy — umiskor rin siya ng game-high 30 points, kabilang ang 12 puntos sa final quarter upang itulak ang serye sa isang knockout game sa darating na Sabado, Hunyo 21, sa Ninoy Aquino Stadium.
Ayon sa TNT head coach Chot Reyes, ang “gising” na ipinamalas ng kanyang mga players ay galing na rin sa matinding motivation matapos silang pagalitan bago ang laro.
“Palagi naman ‘yun pag nagagalit na si coach. ‘Pag tinanong na niya kung gusto pa namin maglaro o uuwi na lang kami, doon kami ginaganahan,” kwento ni Pogoy. “Lahat gustong magpakamatay. Magigising ka talaga.”
Idinagdag din ni Pogoy na isa sa mga naging susi sa kanilang tagumpay ay ang mas maayos na pagbasa sa depensa ng Magnolia, bagay na hindi nila nagawa noong Hunyo 13, kung saan sila ay nabigo 88-83 sa eliminations dahil sa turnover-plagued performance.
Ngayon, may panibagong buhay ang Tropang Giga—at malinaw na ang puso at depensa ni Pogoy ang nagbibigay pag-asa sa kanilang Grand Slam dream. (RON TOLENTINO)
More Stories
Kagawad timbog sa panggugulpi at pamamaril sa Malabon
YouTuber Vitaly Zdorovetskiy nakapagpiyansa, ibinalik sa BI Holding Facility
‘LAGAYAN’ SCHEME SA AIRPORT POLICE DEPARTMENT IIMBESTIGAHAN – GM INES