November 23, 2024

RoRo Vessel at Barge na may kargang semento nagbanggaan sa Batangas

INIIMBESTIGAHAN na ngayon ng Philippine Coast Guard ang nangyaring aksidente ng banggaan o sea vessel’s collision sa pagitan ng passenger vessel na MV Fast Cat M19 na meron sakay na 47 crew at 41 pasahero at ng Barge na “Krizza Rica” na hatak ng Motor Tug “Migi” at mayroon kargang 300 sako ng semento bandang 1:45 ng madaling araw ngayong Miyerkules sa dagat na sakop ng Barangay San Agapito, Isla Verde, Batangas.

Ayon sa report ni PCG Commandant Admiral Gil Gavan ng Coast Guard District Southern Tagalog sa Philippine Coast Guard galing ng Batangas Port papunta ng Calapan Port sa Oriental Mindoro ang RoRo Vessel na MV Fast Cat M19 habang ang Barge na “Krizza Rica” ay galing ng Calaca City at Balayan sa Batangas patungo sa Semirara Island, Caluya, Antique ng maganap ang aksidente.

Nagtamo ng pagkawasak sa third deck malapit sa passenger deck sa starboard quarter (right near corner) ang MV Fast Cat 19 at nagkaroon naman ng gasgas ang port bow (front left side) ang nakabanggaan na barge.

Nasugatan naman sa taas ng kanan mata,  gayun din sa bibig at minor bruises ang pasahero ng RoRo vessel na si Jefferson Visca, residente ng Santa Fe, Romblon na nagpapagaling ngayon sa Maria Estrella Hospital ng Calapan City, Oriental Mindoro.

Inaalam na ngayon ng mga tauhan ng PCG Oriental Mindoro katuwang ang CGSS Calapan and Maritime Safety Services Unit-Southern Tagalog sa pamamagitan ng inquiry and inspection ang mga naging sira ng dalawang sasakyang pandagat na involved sa aksidente. (KOI HIPOLITO)